Ni: Tara Yap

ILOILO CITY – Kasunod ng serye ng mga pekeng banta ng terorismo sa Western Visayas, hinimok ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa rehiyon ang publiko na tigilan na ang pagpapakalat ng mga maling impormasyon na nagdudulot lamang ng takot at kalituhan sa mga tao.

“In case you come across any text message or social media posts regarding terrorist threats, please do not share,” apela ni Supt. Gilbert Gorero, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-6.

“This is to avoid the spread of misinformation and panic,” dagdag ni Gorero.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Noong nakaraang linggo tatlong magkakahiwalay na pekeng terror threat ang kumalat at bumulabog sa rehiyon.

Hunyo 22 nang kumalat ang balita tungkol sa umano’y hostage taking sa isang eskuwelahan sa bayan ng Lambunao sa Iloilo.

Kinabukasan, Hunyo 23, nambulabog naman ang isang pekeng bomb threat sa Hall of Justice sa Roxas City, Capiz.

Nang araw ding iyon, napaulat na tumanggap din umano ng bomb threat ang isang bangko ng gobyerno sa munisipalidad ng Jordan sa Guimaras.

Nagsunud-sunod ang mga pekeng terror threat sa rehiyon kasunod ng pag-atake ng New People’s Army sa himpilan ng pulisya sa Maasin, Iloilo nitong Hunyo 18 at pagkakadakip sa tatlong kasapi ng teroristang Maute Group sa Iloilo City.