Ni: Clemen Bautista
SA malalaking simbahang Katoliko at mga katedral sa ating bansa, matatagpuan ang dambana ng Mahal na Birhen.
Mababanggit na halimbawa ang katedral ng Antipolo sa Rizal na shrine ng Mahal na Birhen ng Antipolo na mas kilala sa tawag na Mahal na Birhen ng Kapayapaan at Mabuting Paglalakbay. Sa simbahan ng Manaoag, Pangasinan ay ang dambana ng Our Lady of Manaoag. Sa Bicol, matatagpuan ang shrine ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia. Sa Tuguegarao, Cagayan ay naroon naman ang dambana ng Our Lady of Piat. Ang mga nabanggit na shrine ay dinarayo at pinupuntahan ng ating mga kababayan, lalo na ng mga may panata at debosyon sa Mahal na Birhen.
Bukod sa mga nabanggit na shrine, ang isa pa sa masasabing pinakatanyag at dinarayong Marian shrine ay ang dambana ng Our Mother of Perpetual Help o ng Ina ng Laging Saklolo sa Baclaran, Parañaque City. Ang national shrine ng Ina ng Laging Saklolo ay kilala rin bilang Redemptorist Church sapagkat ang dambana at imahen ng Ina ng Laging Saklolo ay nasa pangangalaga ng mga paring Redentorista. Tuwing Miyerkules, dagsa ang libu-libong deboto ng Ina ng Laging Saklolo. Ang araw ng Miyerkules ang itinuturing nilang extraordinary day ng pananalangin sa Ina ng Laging Saklolo.
May mga nagsasabi at naniniwala na ang Our Mother of Perpetual Help ay nagkakaloob sa kanila ng mga milagro.
Ang imahen ng Ina ng Laging Saklolo sa Baclaran ay ang replica ng orihinal ng imahen na nasa Church of Saint Alphonsus sa Roma. Si San Alfonso Maria de Ligouri ang nagtatag ng Congregation of the Most Holy Redeemer na kilala sa tawag na Redemptorist. Si San Alfonso rin ang nagtatag ng Legion of Mary at may-akda ng “The Glories of Mary,” isang natatanging spiritual writing tungkol sa Mahal na Birhen.
Ang mga paring Redentorista ang nagdala ng imahen ng Ina ng Laging Saklolo sa Pilipinas noong 1906. Ang tradisyon ng pagnonobena ay nagsimula naman makalipas ang ilang dekada. Ang unang nobena ay ginawa sa Redemptorist Church sa Iloilo City noong Mayo 1946. Pagkatapos ay ginawa ni Father Leo English, ng Lipa City, ang unang nobena sa Baclaran noong Hunyo 23, 1948. May 70 katao lamang ang dumalo sa nasabing nobena. Ngunit habang tumatagal ay dumagsa ang mga nagnonobena. Dahil dito, pinalaki ng mga paring Redentorista ang dambana ng Ina ng Laging Saklolo. At noong 1958, opisyal na iniatas ng mga Obispo sa Pilipinas na ang Redemptorist Church sa Baclaran ay maging national shrine ng Our Mother of Perpetual Help. Mula noon, dumami na ang mga nagnonobena sa Ina ng Laging Saklolo. Nagdagdag ng nobena at misa upang mapagbigyan ang lahat ng mga tao na nag-aalay ng kanilang panalangin.
Maging si Saint Pope John Paul II ay naging saksi sa dakilang debosyon ng mga tao sa Ina ng Laging Saklolo. Naganap iyon noong siya ay cardinal pa at nagmisa sa Redemptorist Church. Nooong 1981, nagbalik siya sa simbahan ng Baclaran at hinimok ang mga tao na lalo pang pagtibayan ang pananampalataya sa Diyos at debosyon sa Mahal na Birhen.
Sa pagdiriwang ng kapistahan ng Ina ng Laging Saklolo, patuloy ang mga deboto at may panata sa Mahal na Birhen sa paghingi ng tulong at patnubay sa paglalakbay sa buhay. Naniniwala na silang parang mga “anak” ng Mahal na Birhen ay hindi sila bibiguin. Kasama rin sa panalangin na sana ay matapos na ang gulo sa Marawi City at makamit ang mailap na kapayapaan sa Mindanao.