Ni AARON B. RECUENCO

Inatake ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang kampo ng elite police force sa Botolan, Zambales bago tinangkang salakayin ang himpilan ng pulisya sa nasabing munisipalidad kahapon ng madaling araw.

Ang unang pag-atake ay isinagawa ng nasa 20 armadong lalaki sa patrol base ng Provincial Public Safety Company (PPSC) sa Barangay Taugtog, Botolan bandang 1:00 ng umaga kahapon, ayon kay Police Regional Office (PRO)-3 Director Chief Supt. Aaron Aquino.

Sinabi ni Aquino na nagawang makadepensa at gumanti ng putok ng mga operatiba ng PPSC kaya napigilan ang pinaniniwalaang tangkang pagkubkob ng mga rebelde sa patrol base.

Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!

Makalipas ang 15 minuto, limang hinihinalang miyembro ng NPA ang namataang gumagapang palapit sa himpilan ng Botolan Police sa madilim na bahagi sa likuran ng presinto.

“Our personnel immediately fired their firearms towards the direction of the five persons and these prompted them to run away,” ani Aquino.

Sinabi ni Aquino na pinakilos na ang puwersa ng pulisya at militar sa Botolan at sa mga kalapit na lugar upang tugisin ang mga salarin.

Una nang ipinag-utos ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa mga hepe ang pagpapaigting ng depensa sa kani-kanilang kampo laban sa tangkang pag-atake ng mga kalaban, kasunod ng pagsalakay ng NPA sa himpilan ng pulisya sa Maasin, Iloilo.