Ni: Bella Gamotea
Patay ang isang negosyante makaraang barilin sa ulo ng hindi pa nakikilalang armado sa harap ng furniture shop nito sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Pasay City Police chief, Sr. Supt. Dionisio Bartolome ang biktima na si Michael Ian Versoza, 40, may-ari ng furniture shop sa A. Arnaiz Avenue, Barangay 69, Zone 9, at nakatira sa No. 178 Pestanas Street ng nasabing lungsod.
Inilarawan naman ang suspek na nakasuot ng bull cap, T-shirt at short pants.
Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera, dakong 9:12 ng gabi, isinasara ng isa sa mga tauhan ni Versoza ang gate ng kanyang tindahan habang lumabas mula sa tindahan ang biktima at pumunta sa kanyang motorsiklo nang lapitan ng suspek at malapitang binaril sa ulo.
Hindi pa nakuntento, muling binaril ng suspek ang biktima bago tumakas na tila walang nangyari.
Ayon kay Arnel Diones, barangay kagawad, bago ang insidente ay may nakatalong customer si Versoza.
Inaalam na kung iisa ang customer at ang armado.
Kaugnay nito, nag-alok ng pabuya ang pamilya ng biktima sa makapagbibigay ng impormasyon o makapagtuturo sa salarin.
Samantala, nilinaw ni National Capital Region Police Office (NCRPO) spokesperson Chief Insp. Kimberly Molitas na hindi kaanak ni dating PNP Chief Director General Jesus Versoza ang biktima.