Ni: Leandro Alborote
GERONA, Tarlac - Nauwi sa patayan ang alitan ng isang magkabarangay matapos na barilin sa ulo ang isang 27-anyos na lalaki gamit ang isang M16 armalite rifle sa Barangay Sulipa, Gerona, Tarlac, nitong Linggo ng hapon.
Sabog umano ang ulo ni Jonathan Remigio, may asawa, ng Sitio Cabulalaan, Bgy. Sulipa, makaraang barilin umano ng M16 ni Efren Mendoza, 53, may asawa, at residente sa nasabing lugar.
Sa pagsisiyasat ni PO3 Artem Balagtas, dakong 2:00 ng hapon at bitbit ang jungle bolo ay nagtungo si Remigio sa bahay ni Mendoza at kinumpronta ito sa matagal na nilang alitan na nauwi sa sigawan.
Ayon sa report, pinagtataga ng biktima ang bintana ng bahay ni Mendoza kaya kinuhan ng huli ang kanyang M16 armalite rifle at pinasabog ang ulo ng biktima.