Ni: Ric Valmonte
SA joint statement nina Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno at Court of Appeals Presiding Justice Andres Maruasa, Jr., ipinarating nila na sila ay lubhang nababahala sa show cause order na inisyu ng House committee on good government and public accountability sa tatlong mahistrado ng Court of Appeals (CA). Pinagpapaliwanag ng komite sina Associate Justices Stephen Cruz, Edwin Surongon at Nina Antonio Valenzuela kung bakit hindi sila dapat papanagutin ng contempt dahil sa paghihimasok sa karapatan ng Kongreso. Kaugnay ito ng kanilang desisyong palayain ang anim na opisyal ng Ilocos Norte na ipinakulong dahil ayaw nilang sagutin ang mga tanong sa kanila ng mga miyembro nito. Nag-iimbestiga ang komite sa umano’y maanomalyang pagkuha ng probinsiya, sa ilalim ni Gov. Imee Marcos, ng mga sasakyang nagkakahalaga ng P66.45 milyon.
Mayroon namang legal na remedyo na isinasaad sa Constitution, Rules of Court at batas ang House Committee na naaayon sa separation of powers kung hindi ito sumasang-ayon sa desisyon ng CA, tulad ng pag-aapela, ayon sa joint statement.
Sana, aniya, ay bawiin nito ang inisyung show cause order.
Ang gobyerno ay nahahati sa tatlong departamento: lehislatura, ehekutibo at hudikatura. Sa mga ito, ang hudikatura ang pinakamahina. Nasa kamay ng lehislatura o ng Kongreso ang kapangyarihang ilaan ang salapi ng bayan. Sa pamamagitan nito, puwedeng buwagin ang anumang ahensiya ng gobyerno, bawasan ang kapangyarihan nito o gawin itong inutil. Ang ehekutibo naman, sa pamumuno ng pangulo, ay may poder militar bilang commander-in-chief ng Armed Forces of the Phlippines. Ito ang kapangyarihang ginamit ni Pangulong Rodrigo Duterte nang isailalim niya sa batas militar ang Mindanao. Walang mga ganitong kapangyarihan ang hudikatura sa pamumuno ng Korte Suprema. Kasi, ang tungkulin nito ay maggawad ng katarungan at itaguyod at ipagtanggol ang Saligang Batas. Pero, ang tatlong departamentong ito ay malaya at patas sa isa’t isa. Sila ay hari sa kanila-kanilang teritoryo.
Kaya, maliwanag na sa pag-isyu ng show cause order laban sa tatlong mahistrado ng Court of Appeals, nilabag ng Kongreso ang separation of powers. Pinasok nito ang teritoryo ng hudikatura at isinasailalim nito sa kanyang kapangyarihan ang mga mahistrado. Pinapanagot kasi ang mga ito sa tungkuling kanilang ginanap ayon sa taglay nilang kapangyarihan. Kapag nangibabaw ang kagustuhan ng Kongreso, sinisira nito ang kalayaan ng hudikatura. Kailangang ito ay malaya. Kasing halaga nito ang kalayaan ng mga mamamahayag dahil ito ang instrumento nila para mapasunod ang gobyerno ayon sa kanilang kapakanan. Ang kalayaang ito ay napapangalagaan ng isang malayang hudikatura sa tungkuling ipagtanggol ang Saligang Batas. Kaya, tungkulin ng mamamahayag ang ipagtanggol ang kalayaan ng hudikatura.