Ni: Rizaldy Comanda
CAMP DANGWA, Benguet – Patay ang isang 60-anyos na babae matapos siyang tagain ng nakatatandang kapatid na babae sa hindi pa malamang dahilan, sa loob ng kanilang bahay sa Pidigan, Abra, iniulat ng Police Regional Office (PRO)-Cordillera.
Nabatid kay Chief Insp. Carolina Lacuata, information officer ng PRO-Cordillera, nakilala ang biktimang si Rosita Cabanilla Bandiez, 60, habang suspek naman sa pagpatay dito ang kapatid na si Getrudiz Cabanilla Elpa, 70, kapwa taga-Barangay Alinaya, Pidigan, Abra.
Ayon sa Pidigan Municipal Police, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen dakong 1:20 ng umaga nitong Lunes tungkol sa insidente.
Napag-alaman na kasama ang isang 12-anyos na babaeng ampon nila, nanonood ng telebisyon ang magkapatid nang tumayo ang suspek dala ang isang bolo at walang sabi-sabing tinaga sa ulo ang biktima.