Ni: Marivic Awitan

WALANG sama ng loob si Robert Bolick sa La Salle na gaya ng sapantaha ng karamihan mula ng lumipat siya sa kasalukuyan niyang koponan ngayon- ang San Beda College sa NCAA.

Ito ang nilinaw ni Bolick pagkararaan ng kanilang naging panalo kontra Green Archers sa kampeonato ng katatapos na Fil -Oil Flying V Premier Cup noong Linggo ng hapon sa Fil -Oil Flying V Center sa San Juan City.

"Wala, wala akong sama ng loob sa La Salle. Ang totoo, I'm forever thankful sa La Salle kasi hindi naman ako makakarating dito ngayon kung hindi nila ako tinulungan, " pahayag ng 21-anyos na si Bolick na nagtapos ng high school sa La Salle Greenhills pagkaraan siyang ma-recruit mula Ormoc City.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ayon kay Bolick, hindi niya kailanman itatatwa na minsan ay naging Green Archer siya bago naging Red Lion.

Nilinaw din ni Bolick, tumapos sa ambisyong back-to-back crown ng Green Archers sa Fil-Oil sa pamamagitan ng ipinukol niyang three-pointer sa huling 8.5 segundo, na gusto lamang niyang mapatunayan hindi lamang sa La Salle kundi higit sa kanyang sarili na may puwang siya sa mundo ng basketball.

"Ang nangyari kasi, kinausap nila ako after maka-two years ako sa LA Salle na ibababa ako sa Team B. Well, siguro may point sila kasi wala naman akong naipakita dun sa first two years ko kasi limited lang ang exposure ko sa laro, " pahayag ni Bolick.

"Pero gusto kong patunayan na kaya ko na hindi lang ako pang team B kaya ako napunta sa San Beda."

Gayunman, ayon kay Bolick, tatanawin nyang malaking utang na loob sa La Salle ang pagbibigay sa kanya ng pagkakataong makilala at makapaglaro ng basketball dito sa Manila. At anuman ang kanyang marating sa larangan ng basketball ay bahagi na aniya ang La Salle.