Ni REGGEE BONOAN
NAKAKUWENTUHAN namin ang kaibigan naming nagdidirek ng TV commercials na nagsabing inaabangan niyang panoorin ang La Luna Sangre (LLS) bukod sa FPJ’s Ang Probinsyano ni Coco Martin na gustung-gusto niya simula nang makatrabaho niya noon sa indie films.
Anyway, napansin lang ng kaibigan namin na tila hindi fit kay Richard Gutierrez ang pangil na gamit niya bilang si Sandrino sa LLS kaya hirap magbitaw ng mga linya niya ang aktor.
Hindi raw ba ito napansin ng production team o hindi ba ito pinapapalitan ng aktor?
“Parang malaki o masikip kay Richard ‘yung pangil niya? Feeling ko nahihirapan siya, sana makorek,” sabi sa amin.
Pero sa kabuuan ay gandang-ganda sa La Luna Sangre ang kaibigan naming TVC director, bilib na bilib siya sa pag-iilaw at mga kuha ng kamera, ito raw talaga ang forte ng ABS-CBN.
“Mahusay talaga ang Dos sa ganyan, pelikula ang dating at ang gagaling ng mga artista, maski na ‘yung mga support at ultimo ‘yung mga batang Malia at Tristan. Fresh pa ang mga itsura.
“Alam mo, papasang Ding sa Darna ‘yung young Tristan,” pahayag sa amin.
Hmmm, hindi nga kaya si Justin James Quillantang o Tristan ang gaganap na Ding? Nagkaroon tuloy kami ng ideya. Ano sa palagay mo, Bossing DMB?
(Last Sunday sa isang gathering ng mga taga-showbiz, napag-usapan na siya nga raw ang napupusuan ng ABS-CBN execs para maging Ding. --DMB)
Nakiisa rin ang kausap namin sa mga nagsasabing, “Sana umabot man lang ng isang buwan sina John Lloyd (Cruz) at Angel(Locsin).” Pero siya rin mismo ang nagpasubali na, “Kaya lang, kung patagalin pa, hindi na kapani-paniwala kung pareho pa rin ang itsura nina Matteo at Lia gayong lumaki na sina Tristan (Daniel Padilla) at Malia (Kathryn Bernardo).
Samantala, curious kami kung ano ang ratings ng La Luna Sangre noong Biyernes nang mamatay na sina Matteo at Lia dahil halos lahat yata ng televiewers, sa kanila nakatutok.