Ni: Beth Camia at Fer Taboy

Isinasailalim na ngayon sa masusing interogasyon ang tatlong lalaki na nakumpiskahan ng mahigit P30 milyon cash na isinilid sa apat na styrofoam box makaraang sitahin sa Cagayan de Oro City Port.

Hinarang ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang tatlong lalaki, na pawang hindi kinilala ng pulisya ngunit nagpakilalang mga empleyado umano ng bangko.

Base sa pahayag ni PCG spokesman, Commander Armand Balilo, bandang 9:10 ng gabi nitong Linggo at papasakay sa barko patungong Cebu ang tatlong lalaki nang pigilin matapos mapansin ang umano’y kaduda-dudang kilos ng mga ito habang bitbit ang apat na styrofoam box.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kaagad umanong nagpakilala ang mga ito na mga empleyado ng isang bangko pero patuloy na nagduda ang mga tauhan ng PCG matapos na hindi makapagprisinta ang mga ito ng sapat ng dokumento.

Iginiit din umano ng mga suspek na pawang papeles lamang ang laman ng apat na styrofoam box, pero nang buksan ay tumambad ang bundle-bundle na pera na tinatayang aabot sa P30-P40 milyon.

Sa ngayon ay isinasailalim na sa background check ang tatlo at inaalam kung may kaugnayan ang mga ito sa Maute Group na kumubkob sa Marawi City mahigit isang buwan na ang nakalipas.