Ni: Malu Cadelina Manar
KIDAPAWAN CITY – Limang linggo makaraang sumiklab ang bakbakan sa Marawi, patuloy pa ring hinahanap ng Department of Education (DepEd) ang 140 guro na lumikas mula sa siyudad, ayon sa school official.
Binubuo ng 1,413 guro ang Marawi City schools division, ayon sa datos. Siyamnapung porsiyento sa mga ito ang kumpirmadong nasa maayos nang kalagayan, ayon kay Ana Zenaida Unte, assistant schools division superintendent ng Marawi City.
Sinabi niya na ang natitirang 10% ng kanilang mga guro ay maaaring lumikas sa mas ligtas na lugar.
Simula Mayo 23, hindi na nag-report sa kanila ang mga hinahanap na guro, sinabi kahapon ni Unte sa isang panayam sa radyo.
Gayunman, nilinaw niya na wala sa mga ito ang naipit sa Marawi City.
“No teacher is missing, none, so far, based on the reports. But we continue to track them,” ayon kay Unte.
Aniya, kukumpirmahin pa niya ang ulat na ang 145 sa kanilang guro ay nasa Davao del Sur at nasa Davao City.