Ni: Jun Fabon
Hindi na nakauwi sa kanyang pamilya ang isang ama na bumili ng pasalubong hamburger makaraang pagbabarilin sa tapat ng burger stand sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Police Supt. Lito E. Patay ang biktima na si Danilo Melchor y Don, 54, may asawa, tubong Sorsogon at nakatira sa No. 01 Narra Street, Sitio Talanay Area A, Barangay Batasan.
Sa imbestigasyon ni PO3 Julius Raz, ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU), naganap ang krimen sa tapat ng Angel’s Hamburger sa No. 67 Kagawad Gitna Road, Sitio Talanay Area B, ng nasabing barangay, dakong 12:30 ng madaling araw.
Sa pahayag ni Rina Garcia, service crew ng nasabing burger stand, kay PO3 Raz, abala siya sa pagluluto ng order ng biktima.
Makalipas ang ilang minuto ay bigla na lamang umanong sumulpot sa likuran ng biktima ang armado at walang habas na pinagbabaril hanggang sa bumulagta.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.