SA pagsisimula ng tag-ulan, hinimok ng isang mananaliksik ng Philippine Institute for Development Studies ang gobyerno na mas paghusayin ang kabuuang programa ng disaster risk financing and insurance (DRFI). Hinimok din ng Philippine Institute for Development Studies ang gobyerno na palawakin ang mekanismo nito upang bawasan ang epekto ng mga kalamidad, tulad ng bagyo, baha at pagguho ng lupa, gayundin ang agarang reconstruction at rebuilding ng mga lugar na naaapektuhan ng sakuna.
“[The] ultimate objective of efficiency in DRFI management is to improve financial resilience of the country against natural disasters by minimizing its contingent liabilities,” ayon kay Deanna Villacin, researcher ng Philippine Institute for Development Studies, matapos ang ginawa niyang pag-aaral.
Ang problema, umaasa ang Pilipinas sa taunang budget allocations para rito na maaaring magdulot ng problema dahil wala itong kasiguraduhan.
Ayon sa Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, ang National Disaster Risk Reduction and Management Fund ang dapat na mag-asikaso ng mga financing requirement para sa recovery at reconstruction.
Ayon kay Villacin, may mga pagkakataon na hindi sapat ang pondo para sa recovery at reconstruction ng mga apektadong lugar. Sa pagtukoy sa mga pangangailangan pagkatapos ng pananalasa ng mga bagyong ‘Nona’, ‘Ferdie’, ‘Lawin’, at ‘Nina’, natuklasang mula sa P21.6 bilyon pondo na inilaan sa prioridad, kinulang ng P5.8 bilyon ang pondo ng National Disaster Risk Reduction and Management.
Ang kakulangang ito ay isang wake-up call sa gobyerno “[to] prioritize and recognize the fact that many needs or requirements [of devastated areas] will remain unfunded”, na sanhi ng mabagal na pagbangon mula sa mga sakuna.
Bagamat maaaring makakuha o makahingi ng tulong ang pamahalaan sa iba pang pagkukunan ng pondo sa panahon ng kalamidad, “it has to go through a process of approvals that may be time-consuming and, therefore, affect recovery and reconstruction efforts,” saad ni Villacin.
Sa kanyang pag-aaral, ginawang halimbawa ng mananaliksik ang bagyong ‘Pablo’ na sumalanta sa bansa noong 2012 at bagyong ‘Yolanda’ noong 2013, at binanggit niya na mas maliit ang natanggap na pondo para sa rehabilitasyon kumpara sa tantiyang pondo na kakailanganin.
Dagdag pa niya, mayroon ding pondo mula sa donasyon ng United Nations at Red Cross ngunit walang monitoring system na nagtatala sa bawat proyektong isinagawa.
Sa kaso ng bagyong ‘Yolanda’, ang ipinanukalang budget ay ganap na naaprubahan.
Ang problema ay ang kakulangan sa komunikasyon at koordinasyon ng mga ahensiya at lokal na pamahalaan.
At dahil sa mga problemang ito, iminungkahi ni Villacin na pag-aralan ang disaster risk financing and insurance ng Mexico – na tinatawag na FONDEN Fund – upang matugunan ang problema sa pondo, pagpoproseso nito, at mga isyu sa pagkuha ng pondo.
Sa ilalim ng FONDEN, ang paglalaan ng budget para sa mga kalamidad ay unang natukoy sa antas ng 0.4 porsiyento ng taunang federal budget ng Mexico.
Gayundin, mayroon itong mga channel para sa daloy ng pondo upang ang budget ay direktang mapupunta sa mga account ng mga service provider na nagpapatupad ng rekonstruksiyon.
May built-in incentive para sa mga sub-national na pamahalaan upang hikayatin ang mga bansa na tanggapin ang responsibilidad sa pamamahala sa kani-kanilang disaster risk financing and insurance. - PNA