ni Leonel M. Abasola at Aaron B. Recuenco
Iginiit ni Senator Antonio Triillanes IV na magkaroon ng malawakang recruitment sa Armed Forces of the Philippines (AFP) alinsunod sa special enlistment ng Provisional Enlisted Personnel (PEP) sa gitna ng isyung pangseguridad na kinakaharap ng bansa ngayon.
Aniya, ang sitwasyon sa Mindanao at ang ibang usaping pangseguridad ang dapat na tutukan ng pamahalaan upang makakuha ng mga dagdag na tropa sa militar.
Sinabi ng senador na kailangan ang nasa 20,000 bagong puwersa sa militar na magsisilbi sa loob ng limang taon.
Dadaan din ang mga ito sa regular na pagsasanay at tatanggap ng sahod na katumbas ng mga nasa PEP.
Upang maresolba ang problema sa budget, lahat ng ito ay dapat na maging myembro ng Government Service Insurance System (GSIS).
“I am pushing for this measure to allow the armed forces to increase and strengthen its standing force while providing a long-term solution to the looming military pension crisis. More importantly, it hopes to address our security needs at this time,” ani Trillanes.
ONLINE RECRUITMENT SA PNP
Kasabay nito, nagbukas naman ang Philippine National Police (PNP) ng online recruitment sa mga aplikante sa pulisya.
Sinabi ni Supt. Juvenal Barbosa, assistant chief ng Recruitment and Selection Division ng Directorate for Police Records and Management (DPRM), na plano ng programa na mapaluwag ang mga kampo ng pulisya sa pagsisiksikan ng mga aplikante.
“In the past, applicants are required to report personally in all the recruitment offices. But now, all they have to do is to log in in our online recruitment application system,” ani Barbosa.
Plano ng pamunuan ng PNP na mag-recruit ng nasa 15,000 bagong pulis ngayong taon, halos 5,000 sa mga ito ay magsisilbing pamalit sa mga nasibak, nag-resign at magreretiro ngayong taon.