Nina ALI G. MACABALANG at FRANCIS T. WAKEFIELD

MARAWI CITY – Ilang minuto matapos ang pinaikling sama-samang pagdarasal para sa Eid’l Fitr, nagsagawa ang mga tauhan sa “peace corridor” ng gobyerno at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ng mabilisang rescue operations sa mga residenteng naiipit na rin sa lugar ng labanan sa Marawi City, Lanao del Sur.

Sinamahan ang mga rescue volunteer, karamihan ay kasapi ng MILF, ni Agakhan “Bin Laden” Sharief ng Marawi sa retrieval operation sa mga tinukoy na “war zones” sa siyudad kung saan nasa 1,000 residente ang pinaniniwalaang na-trap simula nang sumiklab ang bakbakan noong Mayo 23.

“When you hear calls via megaphones, please come out immediately and identify yourselves. You have to be quick because of possible sabotage and in deference to the limited period of ceasefire,” sinabi ni Drieza Lininding, katrabaho ni Sharief, sa ipinakalat na text message at Facebook post na para sa mga residente ng Marawi.

Human-Interest

Pambato ng Pilipinas sa research competition sa Taiwan, waging first place

Dalawang pangunahing “peace corridor” ng gobyerno at MILF ang binuksan sa Marawi at sa highway sa pagitan ng siyudad at ng Malabang, Lanao del Sur simula nitong Hunyo 4 para sa maayos na pagbibiyahe ng relief goods at pagbibigay ng mga serbisyo sa mamamayang apektado ng krisis sa Marawi.

Sinimulan ang mabilisang rescue operation bandang 9:30 ng umaga kahapon kasabay ng walong oras na “humanitarian pause” ng militar. Wala pang resulta ang nabanggit na mga operasyon habang isinusulat ang balitang ito kahapon.

RESPETO SA MGA MUSLIM

Kahapon, isinabay ang malawakang rescue at retrieval operations sa ipinairal na “humanitarian pause” o pagdedeklara ng militar ng tigil-putukan simula 6:00 ng umaga hanggang 2:00 ng hapon kahapon, Hunyo 25, para sa ligtas na pagdarasal para sa Eid’l Fitr ng mga Muslim sa lungsod.

“We declared a lull in our current operations in the city on that day as a manifestation of our high respect to the Islamic faith,” sabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Eduardo Año.

Ayon kay Brig. Gen. Restituto Padilla, tagapagsalita ng AFP, ang walong-oras na pagpapahinto sa opensiba ng militar ay awtomatikong mawawalan ng bisa kapag naalanganin ang seguridad ng mga sundalo, may banta sa kaligtasan ng mga sibilyan, at nagsimulang mamaril ang Maute Group.

“At that point, our personnel may exercise their right to self-defense,” sabi ni Padilla.

BARKO SASAKLOLO

Samantala, magtutungo ang BRP Davao del Sur sa Cotabato para tumulong sa operasyon ng militar laban sa Maute.

Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella na tutulong ang BRP Davao del Sur sa operasyon ng tropa ng pamahalaan at maghahatid ng military supplies at relief goods, na magsisilbi ring “back-up floating medical facility” sa paggamot ng mga biktima ng bakbakan.

Tutulong din ang BRP Davao del Sur sa rehabilitation ng Marawi City kapag natapos na ang labanan doon.

Ang nasabing barko ay ikalawang strategic sealift vessel ng Philippine Navy.

May ulat ni Beth Camia