Ni MARTIN A. SADONGDONG
Pinosasan ang isang Korean matapos umanong magnakaw ng ramen noodles at iba pang pagkain, na aabot sa P3,500, sa loob ng isang supermarket sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni PO3 Catalino Gazmen, Jr., case investigator, ang suspek na si Seongkeun Park, 42, mula sa Incheon, South Korea.
Base sa inisyal na imbestigasyon, pumasok si Park, nakasuot ng asul na T-shirt at shorts, sa Metro Supermarket Plaza 66 Building na matatagpuan sa Villamor, Pasay, dakong 7:45 ng gabi.
Dito na isinilid ni Park sa isang eco-bag ang ramen noodles, isang kaha ng sigarilyo, de-lata at kape.
Gayunman, mabilis na lumabas si Park sa supermarket nang hindi binabayaran sa counter ang mga ipinamili, ayon kay Gazmen.
Bago pa man makatakas, inaresto ni Jevey Fuentes, security guard, si Park at dinala sa Pasay police headquarters.
Sinabi ni Gazmen na inamin ni Park ang pagnanakaw dahil siya ay “very hungry.”
“Inamin naman niya, sabi niya isang linggo na daw siyang hindi kumakain,” ani Gazmen.
Sinabi ni Park sa awtoridad na wala siyang permanenteng tirahan sa Pilipinas at madalas siyang matulog sa kalsada.
Nakakaraos siya sa araw-araw sa panlilimos at pagligo sa fountain sa mga parke.
Idinagdag niya na unang beses siyang nakarating bansa ilang taon na ang nakalilipas bilang turista, idinagdag niya na plinano niyang manatili sa bansa, ngunit naubos ang kanyang pera dahil sa pagsusugal.
Inihahanda na ang kasong theft laban kay Park.