ni Samuel P. Medenilla

Halos kalahati ng mga kumpanya na sinuri ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa unang apat na buwan ng taon ay lumabag sa mga regulasyon ng paggawa.

Ayon sa huling ulat mula sa Bureau of Local and Employment (BLE) ng DOLE, tinatayang 45 porsiyento o 5,921 ng 10,818 kumpanyang sinuri ng DOLE sa pamamagitan ng Labor Law Compliance System (LLCS) nito mula Enero hanggang Abril 2017 ay may pagkukulang sa general labor standard (GLS).

Ang Central Luzon ang nakapagrehistro ng pinakamataas na insidente ng mga paglabag sa GLS sa 1,250, na sinusundan ng Metro Manila (1,008 kaso), at CALABARZON (268 kaso).

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang pinakakaraniwang pagkukulang sa GLS ng mga kumpanya ay sa record keeping, at hindi pagre-remit at pagsakop ng mga pondo sa ilalim ng Home Development Mutual Fund Law of 2009, hindi pagre-remit ng pondo sa ilalim ng National Health Insurance Act of 1995, at Social Security Act of 1995.

Ang illegal na gawain ng labor only contracting, na naging sentro ng matinding inspeksiyon ng DOLE sa mga lugar ng trabaho ngayong taon, ay hindi kasama sa mga nangungunang listahan ng mga paglabag sa GLS para sa nasabing panahon.

Samantala, iniulat ng BLE na 57.9% o 4,551 ng mga sinuring kumpanya sa ilalim ng LLCS ay hindi sumunod sa occupational safety and health standards(OSHS).

Ang Metro Manila ang may pinakamaraming bilang ng paglabag sa OSH sa 1,366 kaso, at sinusundan ng Calabarzon (884 kaso), at Central Visayas (437 kaso).

Ang limang nangungunang paglabag sa OSHS ay hindi pagkakaroon ng first aider (health personnel), hindi pagrerehistro ng establishments sa DOLE, hindi pagsusumite ng annual work accidents/ illness exposure data at annual medical report, at kawalan ng safety officer.