Inilunsad noong nakaraang taon, ang madugong kampanya kontra illegal na droga ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nagresulta sa pagkamatay ng libu-libong suspek sa droga, gayunman mababa pa rin ang presyo ng shabu sa mga lansangan sa Metro Manila, at ayon sa mga survey kabado pa rin ang mga Pinoy sa mga krimeng nagaganap sa paligid.
Naupo sa puwesto si Duterte noong Hunyo 30, 2016 bitbit ang pangakong susugpuin ang droga at mga krimen na itinuturing niyang “symptoms of virulent social disease.”
Sinabi ng mga opisyal ng pamahalaan na dahil sa anti-drug campaign ay bumaba ang antas ng krimen sa bansa, libu-libong drug dealer ang napakulong, milyun-milyong drug user ang nagpalista para sa rehabilitasyon, at ang susunod na henerasyon ng mga Pilipino ay protektado na sa masamang epekto ng droga.
“There are thousands of people who are being killed, yes,” sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Oscar Albayalde. “But there are millions who live, see?”
Gayunman, pinasinungalingan ng mga kritiko, kabilang ang mga human rights activists, abogado, at ng Simbahang Katoliko, ang sinasabing tagumpay ng kampanya kontra droga.
Ayon sa kanila, pinapatay ng mga pulis ang mga suspek sa droga at wala silang pananagutan, natatakot ang mga komunidad, at lumalala ang kawalan ng batas na nilalayon nitong masupil.
“This president behaves as if he is above the law - that he is the law,” sulat ni Fr. Amado Picardal, sa kanyang artikulo kamakailan para sa lathalain ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines. “He has ignored the rule of law and human rights.”
Punto ng mga ekonomista, kung epektibo nga ang kampanya, dapat ay nagmahal na ang presyo ng shabu sa kalye dahil sa kakaunti na lamang ang supply. Ngunit batay sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency ay nagmura pa nga ito – mula sa P1,200-P11,000 noong Hulyo 2016, ito ay nasa P1,000-P15,000 kada gramo na lamang nitong nakaraang buwan.
Ang problema, ayon kay Derrick Carreon, tagapagsalita ng PDEA, nalansag man nila ang siyam na lokal na laboratoryo, ngunit nakakapasok naman ang mga puslit na shabu mula sa ibang bansa.
“Demand needs to be addressed because there are still drug smugglers,” paliwanag ni Carreon. - Reuters