Ni: Argyll Cyrus Geducos, Beth Camia, Fer Taboy, at AFP

Malugod na tinanggap ng Malacañang kahapon ang mga bagong pangyayari sa nagpapatuloy na operasyon sa Marawi City laban sa Maute Group, na kumubkob sa siyudad noong Mayo 23.

Sa ‘Mindanao Hour’ press briefing sa Radyo ng Bayan kahapon, partikular na binanggit ni Presidential Spokesperson Ernesto Abella ang pagkakasabat kamakailan sa P10 milyon halaga ng shabu mula sa bahay ni dating Marawi City Mayor Omar Solitario Ali.

Una nang pinangalanan ni Pangulong Duterte si Ali bilang isa sa mga lokal na opisyal na sangkot sa bentahan ng droga.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Kabilang din si Ali sa arrest order ng Department of National Defense (DND) kaugnay ng rebelyon sa Marawi.

“This development will hopefully bring to bear the realities existing in the area about the close relation between the illegal drug trade and this ongoing rebellion,” ani Abella.

P10-M SHABU MULA SA VICE MAYOR

Kasabay nito, iniulat din ng media kahapon ang pagkakasabat ng P10-milyon halaga ng hinihinalang shabu sa bahay naman ni incumbent Marawi City Vice Mayor Arafat Salic sa Barangay Kabingan, MSU Compound.

Kabilang din umano sa listahan ng mga tagasuporta ng Maute sa siyudad, nabatid na kapatid ng bise alkalde ang dating mayor na si Fajad Salic, na naaresto nitong Hunyo 8 at nakumpiskahan ng mga granada, armas at shabu.

PAGKAMATAY NG MALAYSIAN KINUKUMPIRMA

Samantala, nilinaw ni Abella na bineberipika na ng militar ang mga report ng pagkamatay sa bakbakan ng Malaysian na si Mahmud bin Ahmad, na sinasabing financier ng Maute.

“We have been told that the military has information of the spot where he was buried and government troops are now trying to locate it and recover the remains. Once done, only then can we make an official confirmation,” ani Abella.

Ayon kay Abella, nasabihan na rin sila hinggil sa impormasyon umano ng militar kung saan nailibing ang nasabing Malaysian, pero patuloy pa umanong hinahanap ng tropa ng pamahalaan ang lokasyon nito para marekober ang bangkay ng dayuhan.

Sinabi nitong Biyernes ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief Gen. Eduardo Año na nasugatan si Mahmud sa labanan sa Marawi noong nakaraang buwan at napaulat na namatay sa mga natamong sugat nitong Hunyo 7.

89 DAYUHANG TERORISTA SA PH?

Sinabi rin ni Abella na bina-validate pa nila ang ulat na may 89 na dayuhang terorista ang dumating sa bansa.

“They might have entered the Philippines via the backdoor where the point of entry is Mindanao via Indonesia or Malaysia,” sabi ni Abella. “This is the purpose why we are making a collective effort against terrorism and violent extremism through a trilateral cooperation with Indonesia and Malaysia.”

NASAWI, 375 NA

Samantala, kinumpirma rin kahapon ng militar na nasa 375 na ang nasasawi sa labanan sa Marawi.

Sinabi ni AFP Public Affairs Office (PAO) chief Col. Edgard Arevalo, 280 terorista na ang napatay sa isang buwang bakbakan, habang 69 naman sa panig ng militar at pulisya at 26 ang nasawing sibilyan.

Aniya, nasa 298 armas ang narekober ng militar mula sa Maute, may 1,658 sibilyanang na-rescue habang nasa 300 pa ang naiipit sa war zone.

HAPILON NAKATAKAS SA MARAWI

Kaugnay nito, sinabi rin ng militar kahapon na posibleng nakalabas na ng Marawi si Isnilon Hapilon, leader ng Abu Sayyaf at sinasabing pinuno ng Islamic State sa Southeast Asia.

Ito, ayon kay Western Mindanao Command chief Lt. Gen. Carlito Galvez, ay dahil hindi na napagkikita sa siyudad si Hapilon.

“He (Hapilon) has not been seen in the area. We have some reports that he was already able to slip somewhere but as of now we are still confirming the reports,” ani Galvez sa isang panayam sa radyo.