Ni AARON RECUENCO

Bumuo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng isang social media monitoring team sa layuning masugpo ang fake news na ipinakakalat ng mga kaalyadong netizens ng Maute Group kaugnay ng bakbakan sa Marawi City, Lanao del Sur.

Sinabi ni Brig. Gen. Rolly Bautista, commander ng 1st Infantry Division ng Philippine Army at concurrent head ng Joint Task Force Marawi, na isa pang laban ang kailangang ilunsad ng militar—sa pagkakataong ito ay sa social media—matapos nilang ma-monitor ang mga maling impormasyon na ipinakakalat ng ilang netizens tungkol sa tunay na sitwasyon sa Marawi City.

“The enemy and their supporters are actively utilizing online digital media to spread false information about the situation in Marawi City,” ani Bautista.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Una nang kinailangang harapin ng militar ang mga ulat ng umano’y pang-aabuso ng mga sundalo sa Marawi at ang mga report na naglalarawan sa Maute Group bilang isang napakalakas na grupo na nakubkob na ang malaking bahagi ng siyudad.

“Our team is on the lookout to engage and provide counter-measures and prevent the enemy from sowing fear and terror,” sabi ni Bautista.

Ang lokal na social media monitoring team ng militar ay binubuo ng mga sundalong sumailalim sa pagsasanay sa digital media capability enhancement bago pa man sinalakay ng Maute ang Marawi nitong Mayo 23.

Lahat ng nakakumpleto sa pagsasanay mula sa iba’t ibang unit ng 1st Infantry Division ang bumuo sa core group ng social media monitoring team.

Sinabi ni Lt. Col. Jo-ar Herrera, tagapagsalita ng Joint Task Force Marawi, na naging kapaki-pakinabang ang pagsasagawa ng digital media enhancement training sa laban kontra sa fake news sa social media tungkol sa krisis sa Marawi.

“While our troops are engaged in a battle with the Maute Grop on the ground, some of our soldiers are also fighting another battle over the internet,” ani Herrera.