SIMULA bukas (Lunes, June 26), mapapanood na sa GMA Telebabad ang I Heart Davao, unang romantic comedy series na kinunan sa Davao na magpapatibok sa puso ng mga manonood.
Mula sa GMA Public Affairs, tampok sa newest primetime serye na ito sina Carla Abellana, Tom Rodriguez, at Benjamin Alves.
Gagampanan ni Carla si Hope, isang heart transplant recipient na kinailangang magpunta sa Davao upang maisalba ang chocolate business ng kanyang pamilya at upang kilalanin na rin ang kanyang heart donor. Hindi inaasahang makikilala ni Hope si Ponce (Tom).
Tubong-Davao si Ponce na anak ng haciendero ng isang cacao farm. May pagkamaangas at laging makakabangga ni Ponce si Hope. Ang hindi alam ni Hope, si Ponce pala ang ex-boyfriend ng heart donor niya.
Young business executive naman ang childhood friend ni Hope na si Paul (Benjamin). Buong buhay ni Paul ay minahal nito si Hope kaya kahit iwan ang buhay sa Maynila ay gagawin nito para samahan ang kaibigan sa Davao.
Bukod sa nakakikilig na kuwento nina Hope, Ponce, at Paul, kaabang-abang din ang mga lugar at bagay na tatak-Davao lalo pa’t 80 percent ng serye ay kinunan doon.
“Napakadaming p’wedeng i-highlight sa Davao and we are grateful that we can feature them through this show,” sabi ni Carla.
Umaasa naman si Tom na maging inspirasyon ang serye upang lalo pang maipakita ang kagandahan ng Pilipinas.
“It will allow not only those from Davao but the whole Visayas and Mindanao to take pride and ownership in this project,” wika niya.
“We highlight the things that are great in Davao. The people in Davao are very warm. Natutuwa kami na they accepted us warmly,” sabi naman ni Ben.
Mapapanood ang I Heart Davao gabi-gabi sa GMA Telebabad pagkatapos ng My Love From The Star.