Ni Merlina Hernando-Malipot
Pagkatapos ng kanyang valedictory address sa libu-libong magtatapos sa Linggo, umaasa ang summa cum laude na si Arman Ali Ghodsinia na magpapatuloy ang “momentum” lalo na sa paglutas sa krisis sa Marawi City – ang kanyang lupang tinubuan.
“I definitely want the momentum to continue even after I give my speech on Sunday,” sabi ng 22-anyos na si Arman nang makapanayam sa telepono ng Balita. “We have a lot of stories of hopes and such so I hope it will not end here.”
Magtatapos ng Bachelor of Science Molecular Biology and Biotechnology mula sa College of Science, napili si Arman upang magsalita sa ngalan ng 3,000 magsisipagtapos sa 106th General Commencement Exercises ng University of the Philippines-Diliman bukas, Hunyo 25.
Si Arman ang nangunguna sa listahan ng 36 na magsisitanggap ng pinakamataas na karangalan sa commencement exercises, sa General Weighted Average (GWA) na 1.176.
TUNAY NA PRIDE NG MARAWI
Sinabi ni Arman na bagamat marami ang tumatawag sa kanya ng “Pride of Marawi,” ang kanyang ina na si Mariam Alonto Ali ang “real” pride ng Islamic city.
“Most people call me the ‘pride of Marawi’ but really it’s my mom because without her, I wouldn’t be here, my mom’s the ‘real pride’ of Marawi,” sabi ni Arman, bilang paglingon sa pinagmulan ng kanyang ina.
Minsan lamang siyang nakauwi sa Marawi – noong napakabata pa niya – kaya inamin ni Arman na wala siyang masyadong maalala tungkol sa siyudad.
Lumaki ang ina ni Arman sa Lanao del Sur bago ikinasal sa kanyang amang Iranian, na ngayon ay naturalized Filipino na. May dalawa siyang kapatid, ang babae ay nag-aaral sa College of of Law sa UP at ang lalaki ay tumutulong sa pamamahala ng kanilang family business na nakalinya sa home decor.
Habang may krisis sa Marawi, umaasa si Arman na mawawakasan na sa lalong madaling panahon ang labanan dahil mayroon siyang mga kamag-anak na apektado nito.
Kapag naresolba na ang krisis, balak ni Arman na bumalik sa Marawi upang tuntunin ang kanyang pinagmulan. “I can’t live without going there knowing that it’s the place where my mom grew up in,” aniya.
NANINIBAGO
Inamin ni Arman na hindi siya sanay sa atensiyon na ibinibigay ng media simula nang ipahayag ng UP na siya ang aakyat sa stage para sa valedictory speech ngayong school year.
“I was happy because to be given a chance to speak about such topic which was very humbling and I was really honoured,” aniya. “Right now, after gaining the attention of the media, it is definitely more than a speech – I want it to become some kind of hope.”
Ang kanyang talumpati, na aabot ng lima hanggang 10 minuto, ay ilalaan niya sa kanyang mga kasamahang magsisipagtapos. “I will urge them not to forget our fellow Filipino people who subsidized our education,” sabi ni Arman.
Sa kabila ng mas maayos na kalagayan bilang estudyante, nais ipaalala ni Arman sa kanyang fellow graduates na, “Wherever we go, we should always remember to look back and come back here in the Philippines and help out.”
Bukod sa paghimok sa mga kinauukulan na resolbahin ang krisis sa Marawi, sinabi ni Arman na isusulong din niya ang tunay na layunin, “not only an end to the war but for a long-term and sustainable development for the region.”