Ni: PNA

PURSIGIDO ang Puerto Princesa City sa Palawan na maging “Caving Capital of the Philippines”, ayon sa hepe ng City Tourism Office na si Aileen Cynthia Amurao.

Sinabi niyang sa ngayon, sinisikap ng Puerto Princesa na mapabilis ang pagsasagawa ng pananaliksik upang matukoy kung ilang kuweba ang nasa hurisdiksiyon ng lungsod.

Isinasagawa na rin ang dokumentasyon sa mga kuwebang ito, ayon kay Amurao, dahil nais ng City Tourism Office na maglunsad na ng malawakang kampanya para isulong ang mga bagong tourism site na ito.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Sinabi ni Amurao na ang siyudad ay mayroong “so many caves”, at sa katunayan ay tahanan ito ng Hundred Caves na matatagpuan sa Barangay Tagabinet, na malapit lamang sa Puerto UNESCO World Heritage Site ang Puerto Princesa Underground River.

Ang Hundred Caves ay napaulat na nadiskubre noong ‘90s, at natukoy ang mga cave system bilang serye ng magkakadugtong o magkakaugnay na makikitid na daanan.

Pahaba ang tinataluntong daan, ang kaisa-isa sa bansa, kaya naman kumpiyansa si Amurao na kuwalipikado ang Puerto Princesa para tawaging caving capital ng Pilipinas.

Sa Hundred Caves, sinabi ni Amurao na tiyak nang matutuwa ang mga turista sa ginagabayang paglilibot sa mga kuweba, pagkuha ng mga litrato, rock climbing, at bird watching, dahil nababalot ng makapal na kagubatan ang mga kuweba.

Aminado naman si Amurao na magiging pahirapan ang pagpapatupad ng kinakailangang proteksiyon at pangangalaga para sa mga kuweba at sa paligid nito, ngunit naniniwala siyang maisasakatuparan ng Puerto Princesa ang layunin nito alinsunod sa Republic Act 9072 o ang National Caves and Cave Resources Management and Protection Act of 2001.

Inoobliga ng nasabing batas ang gobyerno “to conserve, protect and manage caves and cave resources as part of the country’s natural wealth,” aniya.

Bukod dito, sinabi pa ng city tourism officer na kinukumpleto na rin ang pagpapaganda sa iba pang tourist destination ng Puerto Princesa.