Ni: Mary Ann Santiago

Iniimbestigahan na ng Manila Police District (MPD) ang naganap na pagsabog malapit sa isang police station sa Malate, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Inaalam na ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng tumakas na suspek, na inilarawang nakasuot ng itim na jacket, maskara at helmet, gayundin ang motibo nito sa paghahagis ng MK2 Fragmentation Hand Grenade sa tabi ng Arellano Police Community Precinct (PCP), na sakop ng MPD-Station 9, at matatagpuan sa Arellano Avenue.

Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera, dumaan sa tapat ng presinto ang isang pulang motorsiklo at inihagis ng driver ang granada, dakong 3:17 ng madaling araw.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ayon sa isang residente, na tumangging magpabanggit ng pangalan, himbing siya ng kanyang pamilya nang makarinig ng malakas na pagsabog na sinundan ng dalawang putok ng baril.

Walang naiulat na nasaktan sa pagsabog, ngunit wasak ang puting Toyota Fortuner (PQI-452), ni Arellano PCP Commander Police Chief Insp. Paulino Sabulao; isang Yamaha motorcycle, for registration; at isang silver na Ford Everest (TGO-583) na pawang nakaparada sa pinangyarihan.

Samantala, mariing pinabulaanan ng MPD na may kinalaman sa terorismo ang insidente.

Ayon kay Police Chief Insp. Erwin Margarejo, tagapagsalita ng MPD, maaari umanong kagagawan ito ng mga magkakaaway na grupo sa lugar.

“Kasi kung may kinalaman ito sa terorismo, tiyak na may casualty, eto wala naman. Siguro kagagawan ito ng mga naglalabang grupo,” aniya.