Ni: Bella Gamotea

Habang isinusulat ito ay nanganganib ang buhay ng isang konsehal at kanyang body guard nang tambangan ng riding-in-tandem sa Pasay City, kahapon ng madaling araw.

Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital sina Pasay City Councilor Borby Rivera y Salazar, 39, ng No. 355 Protacio, Barangay 112 ng nasabing lungsod; at Alex Dominguez, nasa hustong gulang, ng Fairview, Quezon City.

Inilarawan naman ang mga suspek na kapwa naka-full face mask, armado ng armalite at caliber .45 baril at magkaangkas sa motorsiklo.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Sa inisyal na ulat ni Pasay City Police chief Sr. Supt. Dionisio Bartolome, naganap ang pamamaril sa harap ng Titans Z Club, Macapagal Boulevard, dakong 4:00 ng madaling araw.

Kagagaling lang ni Rivera, kasama si Dominguez at dalawa pa niyang security na sina Jomer Ruiz at Cyrill de Gracia Arce, sa naturang club at sumakay sa puting Land Cruiser (NQH 896).

Paalis na sila sa lugar nang sumulpot ang mga suspek mula sa kanang bahagi ng kanilang sasakyan at nagpaulan ng bala.

Nagawa pang makaganti ng grupo ni Rivera at tuluyang pinaharurot ang sasakyan upang isugod sa ospital ang dalawa.

Sinusuri ng awtoridad ang kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera sa lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.