Ni: Fer Taboy
Inihayag kahapon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff General Eduardo Año na patay na ang isa sa Maute Brothers.
Ayon kay Año, napatay sa bakbakan sa Marawi City si Omarkhayam Maute ngunit buhay pa ang kapatid nitong si Abdullah gayundin si Isnilon Hapilon ng Abu Sayyaf, ang kinikilalang lider ng Islamic State sa Southeast Asia.
Hindi naman binanggit ni Año kung kailan napatay si Omar at walang ebidensiya na ito ay napatay sa labanan.
Patuloy pa rin itong bineberipika ng AFP.
Samantala, ibinunyag ng isa sa mga survivor ang brutal na pagpatay ng Maute sa apat na Kristiyanong binihag nito sa Barangay Mapandi, Marawi City, Lanao del Sur.
Gamit umano ang matulis na kutsilyo, pinugutan ng Maute ang isang Maranao-Muslim dahil umano sa sobrang ingay.
Sinabi pa ng survivor na matapos ilibing ang ulo ng bihag ay isinunod ng mga terorista na pugutan ang tatlong iba pa dahil sa pagtatangkang tumakas.