SA wakas ay nakapagdesisyon na ang gobyerno na gawing mas kapaki-pakinabang ang Clark International Airport, ang pag-aari ng pamahalaan na matagal nang hindi nagagamit nang wasto, kahit pa naaantala ang mga paparating at papaalis na eroplano sa paghihintay nilang makabiyahe mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City.
Sa nakalipas na mga taon, isang domestic at tatlong international terminal ang itinayo sa NAIA ngunit nilimitahan ang bilang ng mga paalis at parating na eroplano sa 40 kada oras, dahil may iisa at mahabang runway lamang ang NAIA, na nagsanga ng isa pang mas maikli. Pinlano ring magtayo ng isa pang runway ngunit natirikan na ng mga bahay ang mga lupang nakapaligid dito. Wala na talagang espasyo para sa pagpapalawak sa 6.7 ektaryang paliparan.
Samantala, nasa mahigit 4,000 ektarya ang lawak ng Clark. Mayroon itong dalawang higanteng runway na ipinatayo ng United States Air Force para sa 13th Air Force na nagpalipad ng mga dambuhalang bomber at jet fighter noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at noong Korean War at Vietnam War. Sa panahon ng emergency, makalalapag sa mga runway ng Clark ang US Space Shuttle.
Dahil sa matinding trapiko sa Metro Manila na nagresulta upang maraming pasahero ang maiwanan ng kanilang eroplano, nagsilipat na sa Clark ang ilang kumpanya ng eroplano. Mahigit 6,000 pasahero ang araw-araw ay umaalis mula sa Clark, karamihan sa kanila ay mga overseas Filipino worker.
Nagdadalawang-isip ang pamahalaan na ilipat ang pangunahing paliparan ng bansa mula sa Metro Manila, marahil dahil na rin sa ang NAIA ay nasa sentro ng komersiyo at gobyerno. Kaya naman ikinokonsidera ang dalawang panukala para sa pagpapatayo ng dalawang bagong paliparan sa malapit sa Metro Manila—sa Sangley Point, Cavite, at sa Bulacan.
Inihayag ngayong linggo ng Department of Transportation na isinantabi muna ng kagawaran ang dalawang nabanggit na panukala, upang simulan ang matagal nang naaantalang pagsasaayos sa Clark sa Pampanga. Sinabi ni Department of Transportation Secretary Arthur Tugade na makikipag-usap siya sa mga partido na nagsumite ng panukala. Ang isa ay ang grupo ng GMR Infrastructure, Ltd. ng India at Megawide Construction Corp., na nagsumite ng panukalang gagastusan ng P200 bilyon; at ang isa pa ay ang JG Summit Holdings at Filinvest Development Corp. na may P187-bilyon panukala.
Ang panukala para sa mga bagong paliparan sa Cavite at sa Bulacan ay pag-aaralan pa para sa posibleng implementasyon nito sampung taon mula ngayon. Ngunit ang agarang pangangailangan para sa espasyo at mga serbisyo ng paliparan ay ipagkakaloob na ng Clark batay sa matagal nang naantalang desisyon na inihayag ng Department of Transportation ngayong linggo.