Ni: Mary Ann Santiago

Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang lalaki nang makaladkad ng tren at mabagok habang nagsusunog ng basura sa gitna ng riles sa Pandacan, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Ricardo Laroco, Jr., 49, basurero, ng 845 Thomas Claudio Street, sa Pandacan.

Sa ulat ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), naganap ang aksidente sa riles sa southbound ng Thomas Claudio Street, malapit sa Beata Street, sa Pandacan, dakong 9:45 ng gabi.

Internasyonal

ALAMIN: Saan puwedeng humingi ng tulong ang OFWs sa Iran, Israel?

Ayon kay SPO1 Jun-jun Jasminez, may hawak ng kaso, katatapos lamang mangalakal ng biktima at nagsusunog ng basura nang dumaan ang tren ng Philippine National Railways (MSC 1937), na may biyaheng Tutuban-Alabang.

Aksidenteng nakaladkad si Laroco at tumilapon hanggang sa mabagok na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Hindi umano huminto ang tren at sa halip ay nagpatuloy lamang sa biyahe.

Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang mga pulis sa pamunuan ng PNR upang matukoy kung sino ang operator ng tren na nakaaksidente sa biktima.