KAILANGANG magkaroon ng mga epektibong hakbangin upang matiyak na ang bakbakan sa Marawi City ay hindi mauuwi sa malawakang digmaan, na maaaring masangkot na ang ibang mga bansa.
Nalipol na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang terorismo sa karamihan ng 96 na barangay sa Marawi City at masusi ngayong tinututukan ang apat na baranggay kung saan nananatiling nagkukuta ang mga Maute, kasama ang mga kaalyado nitong mandirigma ng Islamic State mula sa Indonesia at Malaysia. Nakaayuda ang Amerika sa puwersa ng Pilipinas alinsunod sa ating Mutual Defense Treaty sa pamamagitan ng paniniktik at iba pang suportang teknikal, ngunit “no boots on the ground.”
Noong nakaraang linggo, inihayag ng mga mambabatas na Amerikano na kasapi ng Republican Party ni President Donald Trump ang panawagan nila para sa mas malaking papel ng Amerika sa labanan higit pa sa ginagampanan nitong tungkulin sa “advise and assist”. Nagpahayag din ng pangamba si Iowa Sen. Joni Ernst na magiging bagong sentro ng mga mandirigmang Muslim sa Timog-Silangang Asya at sa iba pang panig ng mundo ang Marawi. “We need to address the situation,” aniya. “It should not get out of control.”
Sinabi ng AFP na mayroong 40 dayuhan ang kabilang sa 500 teroristang nakikipagbakbakan sa Marawi, at isang Saudi, isang Chechen, at isang Yemeni ang kabilang sa mga napatay. Sa isang propaganda video na inilabas ng Islamic State sa website ng Amaq News Agency, hinihimok ng teroristang grupo ang mga jihadist na sakaling hindi magawang makibahagi sa giyera sa Syria at Iraq ay dumiretso na lang sila sa Pilipinas.
Malalim ang pagkakasangkot ng Russia at Amerika sa digmaan laban sa Islamic State sa Syria at Iraq, ngunit magkakontra ang dalawang bansang ito sa usapin ng labanan sa Syria. Nakikipagsagupaan ang Russia kaisa ang gobyerno ng Syria laban sa mga puwersang rebelde, kabilang ang Islamic State. Suportado naman ng Amerika ang Syrian Democratic Forces, isang alyansa ng puwersang Arab at Kurdish, na lumalaban sa Islamic State at sa pamahalaang Syrian.
Sakaling lumawak pa ang bakbakan sa Mindanao at kakailanganin nang sumali ng mga mandirigma mula sa Amerika, sa Gitnang Silangan, at sa Timog-Silangang Asya, asahan na natin ang masalimuot na kaguluhang nagpalugmok sa Syria, Iraq, at sa iba pang panig ng Gitnang Silangan.
Kaya naman umaasa tayong matutuldukan na ng ating Sandatahang Lakas ang bakbakan sa Marawi, bago pa makisali ang mga armadong puwersa mula sa ibang mga bansa, na ang bawat isa ay may sariling interes at dahilan, sa labanan sa rehiyon na magbubunsod upang malugmok din sa kaguluhan at kawalang pag-asa ang Pilipinas gaya ng Gitnang Silangan.