Ni: Johnny Dayang
SA buong Pilipinas, ipinagdiriwang ang pista San Juan Bautista sa iba’t ibang pamamaraan ng kasiyahan. Sa San Juan City, Metro Manila, halimbawa, bahagi ng selebrasyon ang pambubuhos ng tubig sa ibang tao na minsan ay humahantong sa gulo kung ang nabuhusan ay naging marahas ang galit na reaksiyon. Sa Maynila ang pista ni San Juan Bautista, mula pa noong 1565, ay suwabe lang.
Patron din si San Juan Bautista ng sinilangan kong bayan ng Kalibo sa Aklan na ang Ati-Atihan Festival bilang parangal sa Santo Niño ay tanyag sa buong daigdig dahil sa masiglang “ethnic street dancing” ng mga katutubong tribo sa Visayas.
Ang St. John The Baptist Cathedral Shrine na itinatag noong 1804 sa kasalukuyang kinatatayuan nito ay isang religious landmark sa Kalibo. Napinsala ito ng intensity 7.1 na lindol noong 1900 na yumugyog sa pundasyon nito at sumira sa orihinal nitong mga dingding na bato, ngunit mahinusay na itong nakumpune.
Tulad ng Basilica Minore del Santo Niño sa Cebu, umaakit ang Kalibo Cathedral ng libu-libong deboto upang damhin ang katiwasayan nito at maranasan ang banal na misa sa wikang Aklanon.
Kilala si San Juan bilang mensahero ng balita tungkol sa pagdating ni Kristo. Maihahalintulad sa kanya ang kasalukuyang mga makabagong journalists o mamamahayag na nananatiling matapang at matatag sa harap ng bantang panganib sa pagtupad nila sa tungkulin.
Nagkataong sa Hunyo 24, ang Publishers Association of the Philippines, Inc. (PAPI), ang pinakamatandang kapatiran ng mga community newspaper publishers sa bansa; ang Aklan Press Club, Inc.; ang Kapihan Sa Aklan at ang Federation of Provincial Press Clubs of the Philippines, Inc. ay magtatanghal ng kanilang unang Allen Salas Quimpo Memorial Media Forum sa Kalibo.
Ang yumaong si Rep. Quimpo ay isang lider Aklanon na kilala sa bansa. Inilaan niya ang kanyang talino at lakas sa pagbuo ng mahahalagang batas at programa para sa pagpapaangat ng edukasyon at pangangalaga ng kalikasan. Isa rin siyang masugid na tagasulong... ng malayang pamamahayag at ng ASEAN Economic Integration.
Bilang pangulo ng Northwestern Visayan Colleges (NVC) na pag-aari ng kanilang pamilya, itinatag niya ang NVC Institute of Public Studies upang manaliksik kung paano matutulungan ang taumbayan para mahinusay silang makatugon sa mga isyung panlipunan at hamon ng maseselang pambansang suliranin.
Ang Quimpo Memorial Form ay itinataguyod din ng Aklan Provincial Government sa ilalim ni Gov. Florencio T. Miraflores, ng Sangguniang Panlalawigan sa pamumuno ni Vice Gov. Reynaldo M. Quiapo at ng Carmen Hotel sa Kalibo.