Ni: Celo Lagmay
WALANG hindi matutuwa sa pagpapasigla ng mga lawa, lalo na ng Laguna de Bay, ang itinuturing na pinakamalawak na lawa sa ating bansa na may sukat na 90,000 ektarya. Isipin na lamang na umaabot sa limang milyong fingerlings ng bangus, tilapia at hipon ang pinawalan sa naturang lawa.
Napag-alaman ko na kaugnay ito ng paglulunsad ng proyektong Balik Sigla sa Ilog at Lawa (BASIL) na pinangunahan nina Secretary Emmanuel Piñol ng Department of Agriculture (DA), Senador Cynthia Villar, mga opisyal ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) at Los Baños City. Ang pagpapawala ng fingerlings ng iba’t ibang isda ay magpapatuloy hanggang 2022 sa ilalim ng naturang proyekto; bahagi ito ng pagbuhay sa ating mga lawa.
Totoo na ang BASIL project ay makatutulong nang malaki sa paglutas ng problema sa pagkain at kahirapan, lalo na ng mga maralita na naninirahan sa malapit sa lawa na natitiyak kong magiging sagana sa isda. Bahagi ng mandato at pananagutan ng DA ang pagsusulong ng mga proyekto para sa ikabubuhay ng sambayanan.
Sa kabila ng makabuluhang adhikain ng BASIL project, nakikita ko ang matinding balakid tungo sa pagbuhay ng mga lawa.
Sa Laguna de Bay, halimbawa, naghambalang pa rin ang mga illegal fishpen na sinasabing pag-aari ng malalaking negosyante, matataas na opisyal ng gobyerno, mga dating Heneral ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP). Ang kani-kanilang mga baklad ay mistulang nakalatag sa kalawakan ng naturang lawa.
Matagal nang iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte, sa pamamagitan ni dating Secretary Gina Lopez ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang pagbuwag sa nabanggit na mga illegal fishpen. Totoong nabawasan, subalit marami pa rin ang hindi natitinag; maliwanag na binabalewala ng mga may-ari ng mga baklad ang utos ng Pangulo dahil marahil sa mga proteksiyon ng kanilang mga kaalyado sa administrasyon.
Bukod dito, marami pa rin ang mga pasaway na pabrika na nagbubuhos ng nakalalasong basura sa lawa; dahilan ito ng pagkalason ng mga isda na nakasasama naman sa kalusugan ng taumbayan.
Sa pagpapawala ng mga fingerlings ng iba’t ibang isda sa lawa, makinabang kaya ang ating mga kababayan? Giginhawa kaya sila sa BASIL project?
Totoong dadagsa ang mga isda sa Laguna de Bay. Subalit natitiyak ko na ang malaking bahagi nito ay papasok sa mga illegal fishpen na siguradong kakamkamin ng mga may-ari nito. Ang tagumpay ng BASIL project ay matatamo lamang kapag nalipol ang mga salot sa lawa, tulad ng naglipanang mga baklad, nakalalasong basura at gahamang mga negosyante.