SA gitna ng iba’t ibang masasamang balitang napapanood at napapakinggan, pangtanggal ng bad vibes ang pagbungad sa television screen ni Joe Zaldarriaga, ang spokesperson ng Meralco, habang nagbabalita tungkol sa pagbaba ng presyo ng kuryente ng P1.43 kada kilowatt-hour ngayong Hunyo.
Ang pahayag sa all-time high rate reduction ay inilabas sa Meralco Advisory, isang TV commercial na naka-pattern sa news broadcast, habang ipinagdiriwang ang ikaapat na taong anibersaryo nito. Inilunsad ang Meralco Advisory noong 2013 para maging pangunahing tagapagbigay ng mga impormasyon tungkol sa electricity rates movement, mga impormasyon na nauukol sa power industry, at maging energy efficiency tips.
Mas mababa ng P1.43 kada kilowatt-hour ang presyo ng kuryente ngayong Hunyo at inaasahan na mananatiling mababa ito sa susunod na dalawang buwan. Noong Mayo, bumaba rin ang presyo ng kuryente.
Ayon sa Meralco, ang pagbaba ng presyo ay dahil sa refund na makikita sa kasalukuyang bill. Dagdag na dahilan ang mas mababang generation charge o singil ng power plants na pinagmumulan ng kuryente.
Para sa pamamahay na kumukonsumo ng 200 kWh bawat buwan, ang pagbabang ito ay katumbas ng P286 na savings na maaaring idagdag ng mga misis para sa panggastos ng pamilya.
Masarap din pakinggang ang co-anchor ni Joe sa Meralco Advisory na si Maita David na siya namang naghahatid ng mga paalala ukol sa pagtitipid sa kuryente at sa ligtas na paggamit nito.
Aniya, para lalong makatipid sa kuryente sa mga susunod na buwan, sundin ang mga paalala ng Meralco tulad ng tamang pamamalantsa ng mga uniporme at iba pang mga damit ng mga bata. Ito ay ang pagsisimula ng pamamalantsa sa maninipis na tela bago ang makakapal para nasasabayan ang pag-init ng plantsa at nasisiguro ang mas mababang konsumo ng kuryente.