Ni: Dave M. Veridiano, E.E.
NAKAGUGULAT ang naglalabasang intelligence report na naglalaman ng bantang terorismo sa iba’t ibang lugar sa bansa, at ang mas nakakapanindig-balahibo ay nakaamba umano ito sa matataong lugar sa Maynila, partikular na sa naglalakihang mall at parke.
Paalala tuloy ng kaibigan kong beteranong intelligence officer sa akin at sa iba pang mamamahayag: “Huwag ninyo basta-basta kakagatin ang mga intelligence report na ito na lima singko ngayon sa merkado.”
Kapag ginamit umano ang “intel info” sa main stream media, mabilis itong kumakalat dahil paulit-ulit na isini-share sa social media. Ang masama rito, nadadagdagan pa ito ng mga komentong nagpapalala sa sitwasyon at nagbibigay ng karagdagang takot sa mga taong nakababasa nito.
Sa karanasan ko bilang police reporter, kami talagang mamamahayag ang target na mabigyan ng mga ganitong “intel info” para sa pansariling adhikain. Ang isa sa mga layunin ng mga gawa-gawang “intel info” ay takutin ang mga tao para masira ang diskarte sa pagtatrabaho at ang palpak na resulta ay isisisi sa kalaban ng mga nagpakalat nito.
Napakahigpit at napakaingat noon ng mga militar at mga pulis sa pagpoproseso ng mga intelligence report. Dadaan sa butas ng karayom ang isang reporter para lang masilip ang mga report na ito na kadalasan ay may pulang cover page at may nakalagay na CONFIDENTIAL… hindi katulad ngayon, gaya ng nangyari sa Valenzuela City na mismong police officer pa ang nagkalat at naka-publish pa sa kanilang newsletter ang “intelligence report” hinggil sa bantang terorismo sa kanilang nasasakupan. Nagalit umano ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) kaya may mga sinibak sa puwesto.
Bulong naman ng isang kritiko, naggagalit-galitan lang ang mga ‘yan dahil ang totoo ay sila raw ang may pakana sa pagpapakalat ng mga “unverified” intel report na ito bilang susog sa planong pagpapalawak ng deklarasyon ng martial law sa buong bansa.
Taliwas naman ito sa paniwala ng mga nakasabay ko sa panonood ng balita habang naghihintay na makasakay ng FX sa isang terminal sa Quezon City. Malamang daw na ang mga impormasyong ganito ay galing sa mga teroristang sumusuporta sa mga bandidong Maute na kasalukuyang nagagapi ng mga pulis at mga militar. “Diversionary tactics” lang ang mga ito para raw mahati ang puwersa ng pamahalaan at medyo lumuwag ang pagpukpok sa mga terorista sa Marawi City.
Hindi ko na babanggitin ang mga senaryong isa-isang naglabasan sa mga kumalat na “intelligence report” at baka biglang mag-viral ito kapag nai-share sa social media... at lumabas pa sa dulo ng balita na totoo ito at kumpirmado na.
Sa mga kaibigan natin sa AFP at PNP, sana naman, kapag hindi pa “validated” na A-1 ang isang intelligence report (pinakamataas na level ng kumpirmadong intel info) ‘wag naman sanang isubo sa mga mamamahayag na gutom sa importanteng balita. Aba’y para na rin kayong nagpapakalat ng FAKE NEWS niyan at nagagamit pa tuloy ang ilang reporter na wala pa masyadong karanasan sa pagkilatis ng mga ganitong impormasyon…sa lengguwahe nga naming mga taga-media – ‘wag naman ninyo kaming “kuryentehin!”
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]