KUMITA ng pera kasabay ng pangangalaga sa nakakalbong kagubatan sa bansa.
Kaakibat ng panawagang ito, magsasagawa ang Forest Foundation Philippines ng kauna-unahang “festival of ideas”, kung saan magsasama-sama ang iba’t ibang mamumuhunan sa bansa upang bumuo at makalikha ng bagong mga ideya kung paano makatutulong sa pangangalaga ng mga kagubatan habang kumikita, kasabay ng pag-aambag para sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
Itinakda ang aktibidad sa Hulyo 22 ngayong taon. Layunin ng Forest Fest PH na makapag-anyaya ng mga taong may “innovative” na ideya kung paano masosolusyunan ang problema sa mga nakakalbong kagubatan.
Dahil isa ring patimpalak, magkakaroon ng panel ng mga hurado na magsusuri at tutukoy sa pinakaangkop na solusyon.
Tatanggap ng P450,000 ang tatanghaling may pinakabago at pinakamagandang presentasyon ng solusyon.
“It’s something that can change nature for the better,” saad ng chairperson ng Forest Foundation Philippines na si Antonio La Viña sa isang briefing nitong Miyerkules.
Ayon kay La Viña, ang mga likas na yaman ng kagubatan at mga serbisyong pangkalusugan ay kinakailangan ng tao upang mabuhay kaya nararapat lamang na proteksiyunan ang mga ito.
Bukod sa pagtataguyod ng ecological balance, sinabi ni La Viña na ang naturang likas na yaman ay nagbibigay din ng pangmatagalang tulong sa kabuhayan ng publiko kung maayos na pinangangasiwaan at pinangangalagaan.
“We can make things happen—there are solutions on the ground no matter how challenging the environment and climate change are,” diin niya.
Hinihikayat ni La Viña ang publiko na makiisa sa pangangalaga at pagbibigay-proteksiyon sa mga yamang gubat lalo pa’t mataas ang porsiyento ng mga kaso ng pagkakaingin sa bansa. Tinatayang nasa dalawang milyong ektarya na ang nakakalbo sa kagubatan ng Pilipinas noong 1900 at 7.2 milyong ektarya noong 2003.
Aniya, ang pagbabago sa klima, ang kahirapan at iba pang banta sa kalikasan ay lalong nagiging kumplikado at kinakailangan ang tulong ng bawat isa, lalo na ng kabataan.
“We need the youth’s involvement to help scale up such efforts as the problem is growing exponentially,” dagdag pa ni La Viña. (PNA)