Ni: Erik Espina
AYON sa Privacy International, tinatayang 100 bansa sa mundo ang may batas na nag-aatas sa kani-kanilang mamamayan na magkaroon ng “Identity Cards.” Bawat bayan ay may sariling pamamaraan sa pagpapatupad ng pagdadala ng ID card. Sa Thailand, 7 taong gulang; sa Taiwan at Spain (Documento Nacional de Identidad), 14 taong gulang. Sa Israel (Teudat Zehut), 16 taong gulang, at sa edad na 18 “compulsory” na; sa South Korea, 17; Malaysia (My Kad), 12 at pagdating ng 18-anyos ay kinakailangan itong dalhin palagi. Sa Singapore (Nat’l Registration ID Card), hindi ito “mandatory,” ngunit hindi maaaring makatransaksiyon ang pamahalaan, bumoto, atbp. kung walang maipapakitang ID. Sa Indonesia (Karu Tanda Penduduk), ay “compulsory” din.
May mga bansa na nagpaparusa (batay sa batas) kapag nagkataong nalaman na hindi dala-dala ang ID Card. Sa ibang pagkakataon, maaaring ikulong ang lumabag sa batas habang inaalam ng awtoridad ang pangalan ng suspek. Sa Hong Kong, awtorisado ang mga pulis na sumita ng 15 taong gulang (pataas) at sa mga pampublikong establisyemento, para hingan ng ID.
Ito ay pagpapatunay, kung sakali, na wala sa tamang gulang ang bata. Dito sa Pilipinas, masalimuot ang usapin ng “National ID” dahil sa matitining na boses ng mga “kaliwa” at hindi maka-move on sa batas militar. Napapanahon ang panukala na magkaroon ng Philippine Universal Identification (PUIDe), na ang pagbikas, hibla sa salitang “puwede”.
Mas madali ipatalastas at mabenta ang PUIDe kung: 1) Nakapaloob dito ang electronic number ng SSS, GSIS, PhilHealth, passport no., drivers licanse, TIN, Res. Certificate, PSA birth certificate no., NBI clearance, senior citizens no., student discount no., marriage contract no., at Voter’s ID no., kalakip ang mga petsa at validity period ng ilang impormasyon; 2) May Micro-chip; 3) Bangko Sentral dapat ang mag-imprenta upang hindi mabili at mapeke. Mapapadali ang transaksiyon/clearances ni Juan de la Cruz dahil ito ang palaging hinihingi ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno (at raket ng mga tiwali, tamad, at mga fixer sa mga tanggapang opisyal). Kalakip nito, upang mapalakas ang seguridad at katiwasayan ng Pilipinas sa pagbaka sa mga terorista, drug lords, dayuhang espiya atbp.