Ni: Marivic Awitan
PANGUNGUNAHAN nina 2017 Palarong Pambansa outstanding athletes trakster Veruel Verdadero at thrower Francis Edward Obiena at swimmer Sacho Maurice Ilustre ang delegasyong ng bansa sa 9th Southeast Asian Schools Game sa Hulyo 13-22 sa Singapore.
Ayon kay Cesar Abalon ng Department of Education Chief of School Sports, ang pagiging miyembro ng delegation ay insentibo para sa mga student-athletes na nagpakita ng outstanding performance sa nakaraang Palarong Pambansa na idinaos sa lalawigan ng Antique.
Nagwagi ng apat na gintong medalya si Verdadero na kinabibilangan ng tatlong sprints habang nagtala ng bagong record sa pole vault si Obiena .
Nagtala naman ng bagong record sa pool si Ilustre.
Bukod sa athletics at swimming, lalahok din ang bansa sa pito pang events na kinabibilangan ng sepak takraw, badminton, basketball, volleyball, table tennis, lawn tennis at gymnastics.
Maliban sa Pilipinas, kabilang din sa school-based meet na may temang “Together as One”, ang mga bansang Brunei, Indonesia, Cambodia, Laos, Vietnam, Thailand, Malaysia, Myanmar at host Singapore.