Ni: Celo Lagmay

MALIWANAG ang isinasaad sa Konstitusyon: Walang batas ang maaaring pagtibayin kung ito ay magpapaikli o makababawas sa karapatan sa pamamahayag. Kaakibat din dito ang iba pang karapatan na tulad ng tahimik na pagtitipon ng sambayanan kaugnay ng pagdudulog ng kanilang mga karaingan.

Naniniwala ako na sa mga simulaing ito nakaangkla ang pagpapatibay ng Freedom of Information Law na nagbibigay sa atin ng karapatan busisiin ang mga dokumento at iba pang transaksiyon ng mga ahensiya ng gobyerno. Ang naturang batas na tinampukan ng matinding balitaktakan ng mga Senador at Kongresista sa loob ng maraming taon ay umiiral na ngayon.

Sa pagkakaalam ko, ang FOI ay hindi pa ganap na naisasabatas dahil marahil sa ilan pang probisyon na marapat pagpasiyahan ng mga mambabatas. Subalit sa pamamagitan ng Executive Order na nilagdaan ni Pangulong Duterte, ang FOI ay mistulang sandata na ngayon ng media sa paglalantad ng mga patakaran ng pamahalaan bilang bahagi ng transparency policy nito. Ang mga dokumento, maliban sa mga detalye na may kinalaman sa pambansang seguridad, ay hindi dapat ipagkait o ilihim sa media sapagkat ang gayon ay maliwanag na paglabag sa karapatan sa pamamahayag.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Bukod sa FOI, ang Sotto Press Freedom Law of 1946 ay nagbibigay din ng karapatan sa mga mamamahayag o media sa pagtupad ng kanilang makatuturan at makabayang tungkulin sa lipunan. Sa naturang batas na inakda ni Senador Vicente Yap Sotto, lolo ni Sen. Vicente Sotto III, ang sinumang peryodista ay hindi maaaring pilitin ng sinuman na ibulgar ang pinagmulan ng kanyang report.

Isang makasaysayang kabanata sa peryodismo ng ating bansa ang pagpapakulong ng ilang kapatid natin sa propesyon na tumanggi nang sila ay pilitin ng isang hukom na isiwalat ang pinagmulan ng isinulat nilang balita. Pinangatawanan nila ang kahalagahan ng karapatan sa pamamahayag o press freedom. Ang naturang batas ay umiiral pa hanggang ngayon:

nangangailangan nang ito ay makatugon sa panahon.

Sa pangunguna ni Sen. Tito Sotto, isinusulong ngayon ang pagsusog sa nabanggit na batas upang lalong palawakin ang partisipasyon ng mga mamamahayag sa pagtatanggol ng press freedom. Dapat lamang palawakin ang saklaw nito upang mapabilang ang iba pang larangan ng media, tulad ng broadcast journalist – radio, television at online reporters.

Dati, print journalist o mga peryodista lamang ang nasasakop ng naturang batas.

Anupa’t sa pag-amyenda sa Sotto Law at ang ganap na pagsasabatas ng FOI, naniniwala ako na lalong lalawak at hindi mababawasan ang karapatan ng media tungo sa pagtatanggol ng press freedom.