Nina AARON RECUENCO at FER TABOY, May ulat nina Leo P. Diaz at Genalyn D. Kabiling

Inatake ng daan-daang miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang dalawang military outpost sa Pigkawayan, North Cotabato at binihag umano ang ilang sibilyan, kabilang ang nasa lima hanggang 12 mag-aaral ng kalapit na paaralang elementarya makaraang mauwi sa bakbakan ang insidente kahapon ng umaga.

Ayon kay Chief Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), batay sa natanggap nilang report ay nasa 300 miyembro ng BIFF ang sumalakay sa Pigkawayan sa pangunguna ng tatlo nitong kumander.

Sinabi ni Carlos na inatake ng BIFF ang outpost ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) sa Barangay Malagakit at ang isa pang detachment ng mga militiaman ng gobyerno sa Bgy. Simsiman sa Pigkawayan bandang 6:00 ng umaga.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Kaagad namang rumesponde ang mga pulis at sundalo na nagbunsod sa matinding bakbakan hanggang bago magtanghali kahapon.

“They took hostages of Malagakit Elementary School,” sabi ni Carlos, batay sa field reports na natanggap ng PNP.

Batay sa report, ang daan-daang BIFF na sumalakay ay pinamunuan nina Kumander Bayawak, Abu Saiden at Kumander Sala.

Bagamat iniulat kahapon ng PNP na nasa lima hanggang 12 mag-aaral ng Malagakit Elementary School ang binihag umano ng mga BIFF, pinabulaanan naman ito ng militar.

HUMAN SHIELD

Kinukumpirma kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kung napakawalan na ang ilang sibilyang tinangay ng mga bandido bilang human shields, ayon kay AFP spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla.

Nangyari ang pag-atake habang nagpapatuloy ang pakikipagbakbakan ng mga pulis at sundalo sa Maute Group sa Marawi.

Una nang kinumpirma ng gobyerno na ang BIFF ay kaalyado ng Maute at ng Abu Sayyaf.

Walang napaulat na nasawi sa panig ng gobyerno at ng BIFF.

Inamin naman ni Abu Misry Mama, tagapagsalita ng BIFF, ang pagsalakay ng nasa 300 tauhan nila sa Pigkawayan kahapon.

Nilinaw din ni Mama na hindi sila “kidnappers” at tiniyak na kung may binihag man ang kanilang grupo ay palalayain din nila kaagad ang mga ito.

Kaugnay nito, kinumpirma naman ni Supt. Romeo Galgo, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO)-12, na nasa 513 katao ang kaagad na inilikas mula sa mga apektadong lugar sa Pigkawayan.

‘HARASSMENT CASE’

Sinabi rin kahapon ni Gen. Padilla na ang pag-atake ng BIFF kahapon ay isa lamang “harassment case” at walang kinalaman sa bakbakan sa Marawi City, Lanao del Sur.

“It’s already resolved actually. They have withdrawn from the area. They are no longer there. The school area is again safe. The patrol base is well-secured,” sabi ni Padilla. “There is no cause for alarm. It has been addressed.”