Nina Genalyn D. Kabiling at Beth Camia
Huwag magpabiktima sa mga pekeng kawanggawa na nangangalap ng pondo para sa Marawi victims.
Nagbabala ang pamahalaan tungkol sa pagdami ng mga grupong nanloloko ng mga nais makatulong sa mga kababayan natin na nagsasabing ang donasyon ay mapupunta sa pamilya ng mga nasawing sundalo at sa nagsilikas na pamilya sa Marawi City.
Sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesman Brig. Gen. Restituto Padilla na hindi dapat maniwala ang publiko sa mga nangangalap ng pondo hanggang hindi ito nabeberipika.
“May I just send over a notice to the public that there has been an observable increase in scammers trying to raise money for our soldiers by way of benefit dinners, lunches or what have you,” sabi ni Padilla sa ‘Mindanao Hour’ sa Malacañang.
“We would like to ask everybody to be on the lookout for these scammers and let your telcos know of the numbers they’re using so that they can be blocked and cannot go on with their nefarious activities,” dagdag niya.
Ayon kay Padilla, sa ngayon ay dalawa lamang ang lehitimong Land Bank accounts na tumatanggap ng mga donasyon para sa mga pamilya ng mga nasawing bayani at sa Marawi evacuees.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na ang mga deposito sa Land Bank para sa mga pamilya ng mga sundalong nasawi sa aksiyon ay umabot na sa P508,500 nitong Hunyo 20. Ang cash donation naman para sa evacuees ng Marawi ay umabot na sa P187,500.
Samantala, siyam na sibilyan ang nasagip ng Philippine Army sa patuloy na bakbakan sa Marawi City.
Ayon kay Lt. Col. Jo-ar Herrera, spokesman ng Joint Task Force Marawi, bandang 12:15 ng tanghali kahapon nang masagip ng mga sundalo ang tatlong lalaki, tatlong babae at tatlong bata na mula sa Barangay Poblacion.