INABANGAN, tinutukan, at pinag-usapan ng televiewers at netizens nitong Lunes ang engrandeng premiere episode ng epic saga na La Luna Sangre na pinagbibidahan nina Angel Locsin, John Lloyd Cruz, Richard Gutierrez, Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.
Kinasabikan ang pagbabalik nina Lia (Angel) at Mateo (John Lloyd) kaya nagtala ang programa ng national TV rating na 33.9% (pinagsamang urban at rural homes) o higit sa doble ng rating ng katapat na My Love From The Star na nakakuha naman ng 13.8%, ayon sa viewership survey data ng Kantar Media.
Trending din sa Twitter ang hashtag nitong #LaLunaSangreAngSimula sa buong mundo dahil bumuhos ang mga papuri ng netizens tungkol sa magarang produksiyon ng show. Trending naman sa Twitter nationwide sina Angel, Mateo (karakter ni John Lloyd), at ang batang Tristan (Daniel) na si Justin James Quilantang na agad minahal ng viewers.
“That is how a pilot episode should be. I believe LLS will give us a taste of cinematic vibe every night,” sabi ni @juicewhattan.
“May I say, ang ganda lang ng kulay. Hindi ko alam ang technical terms pero ang sarap sa mata. Buhay na buhay,” komento ni @CarlaJean0922.
Ramdam naman ni @jochendria ang emosyong ipinakita ng batang Tristan at sinabing, “Hats off for the little Tristan, his acting skills were super. One of Tristan’s good traits – he loves selflessly.”
Hindi rin napigilan si Jed Madela na magpahayag ng papuri sa kanyang Twitter account. “First episode pa lang pero ang dami nang ganap! Galing!,” sabi ni Jed.
Ipinasilip sa pilot episode ng programa ang masaya at normal na pamumuhay nina Lia (Angel) at Mateo (John Lloyd) simula nang mawalan ng kapangyarihan para sa anak na si Malia. Ngunit nagbabadya ang panganib sa mundo ng mga tao, bampira, at lobo sa planong paghahari ni Sandrino (Richard).
Inaabangan ang kinabukasang naghihintay kina Lia at Mateo matapos ang pulang buwan. Makuha kaya nila ang inaasam na mapayapang buhay para sa kanilang pamilya?
Napapanood ang La Luna Sangre pagkatapos ng FPJ’s Ang Probinsyano sa ABS-CBN.