AGOSTO 2016 nang ilabas ng pandaigdigang news service na Agence France Presse (AFP) sa mga mamamahayag sa mundo ang mga litrato ng libu-libo at halos magpatung-patong nang bilanggo na sinisikap na makatulog sa isang basketball court sa Quezon City Jail nang halos wala ni kapiranggot na espasyo sa pagitan nila, isang malinaw na paglalarawan sa kasabihang “siksikan na parang sardinas”. Maging ang mga konkretong baitang ng hagdan ay pinuwestuhan din ng mga natutulog na preso, isa sa bawat baitang. Walang paraan upang makakilos nang bahagya ang isa nang hindi magigising ang isa pa.
Nagpadala ng ulat ang Human Rights Watch, isang pandaigdigang organisasyon na nagwagi ng Nobel Peace Prize noong 1997 sa naging tulong nito upang ipagbawal ang cluster explosives, kalakip ang mga nasabing larawan, para sabihing sa Quezon City — na nasa Metro Manila, ang kabisera ng Pilipinas — nagsisiksikan ang 3,800 bilanggo sa piitang kasya para lamang sa 800.
Noon ay Agosto 2016. Sa mga sumunod na buwan, nagpatupad ang bagong administrasyong Duterte ng malawakang kampanya kontra ilegal na droga at libu-libo ang napatay, ngunit mas marami pa sa mga ito ang kung hindi naaresto ay sumuko sa pulisya. Dahil dito, ang mga siksikang bilangguan ay nag-umapaw pa, at halos sumaid na sa kaban ng mga lokal na pamahalaan. Hindi matukoy ang aktuwal na bilang.
Noong nakaraang linggo, inilahad ng Commission on Audit (CoA) ang sagot sa malaking bahagi ng katanungan. Matapos ang opisyal na auditing ng mga tauhan nito sa buong bansa, sinabi ng CoA na batay sa datos noong Disyembre 2016, ang 463 piitan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na idinisenyo para tumanggap ng 20,746 na bilanggo ay nag-uumapaw sa 126,946 na preso. Ang ibig sabihin, pumapalo sa 511 porsiyento ang siksikan sa mga bilangguan sa bansa.
Sinabi ng CoA na ang pagsisiksikan ay hindi tumatalima sa sariling Manual on Habitat, Water Sanitation, and Kitchen ng BJMP. Hindi rin ito nakatutugon sa United Nations Minimum Standard Rules for the Treatment of Prisoners.
Sa report ng komisyon, iminungkahi ng CoA na magpagawa ang BJMP ng mas maraming gusaling piitan at selda sa mga bagong lokasyon at pabilisin ang programa nito sa Good Conduct Time Allowances, na nagpapalaya sa mga preso kapag napagsilbihan na ng mga ito ang pinakamataas na posibleng sentensiya batay sa krimeng nagawa. Santambak ang mga preso sa mga bilangguan dahil wala silang pera para magpiyansa, kaya naman ilang taon silang nakukulong dahil hindi rin magkandaugaga ang mga korte sa dami ng kasong kailangang litisin at desisyunan.
Natumbok ng ulat ng CoA ang dalawang sangay na maaaring tutukan upang maresolba ang problema sa mga siksikang piitan—ang BJMP at ang mga korte. Parehong nangangailangan ng sapat na pondo ang mga ito. Kaya iaakyat na ang problema sa Ehekutibo, partikular na sa Department of Budget and Management, hanggang sa Hudikatura at sa Kongreso.
Isa itong napakalaking problema na nangangailangan ng seryosong atensiyon ng buong gobyerno.