Ni: Vanne Elaine P. Terrazola

Nabalot ng tensiyon ang isang commercial building sa kahabaan ng EDSA nang magwala ang isang sekyu, na naka-off duty, at ginawang hostage ang sarili nitong Martes ng umaga.

Inaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) si Herminigildo Marsula, Jr., 33, makalipas ang limang oras na negosasyon sa pangho-hostage sa kanyang sarili sa Eton Centris Cyberpod 1 building sa EDSA, bandang 8:10 ng umaga.

Nahaharap ngayon ang guwardiya, na nakatira sa Barangay Kaypian, San Jose del Monte, Bulacan, sa kasong alarm and scandal, grave threats, physical injury at illegal possession of firearms dahil sa pagwawala at paglikha ng tensiyon sa gusali na kinapapalooban ng business process outsourcing (BPO) workers.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Ayon kay QCPD director Chief Supt. Guillermo Eleazar, dakong 3:00 ng madaling araw ay nakikipag-inuman si Marsula sa kapwa niya guwardiya sa loob ng kanilang opisina nang magkaroon ng pagtatalo na marahil dulot ng kalasingan.

Naayos ang gulo at dinala si Marsula sa opisina ng isang BPO company upang makapagpahinga.

Maya-maya pa ay lumabas ang suspek, lasing pa rin, at nagsimulang hampasin ang kanyang ulo at suntukin ang paders ng corridor.

Ayon kay Eleazar, nilapitan si Marsula ng isang empleyado ngunit sinapak ito ng suspek.

Humingi ng tulong sa pulis ang empleyado. At sa paglapit ng empleyado at ng pulis, nagpunta si Marsula sa kanilang opisina at kinuha ang baril sa drawer.

Tinutukan umano ni Marsula ang pulis at ang empleyado.

Makalipas ang ilang sandali, humingi na ng tulong ang pulis sa kanyang mga kabaro nang pumasok at ikandado ni Marsula ang kanyang sarili sa opisina.

Ipinaalam ito sa misis ni Marsula at sa kanyang father-in-law.

Sinubukan nilang kumbinsehin ang suspek na sumuko ngunit nagmatigas ito at tinutukan ang sarili, dahilan upang paalisin nila ang mga ito.

Ang ikalawang negosasyon ay sa pagitan ng ama at brother-in-law ng suspek. Ngunit hindi pa rin nakinig si Marsula.

Nagdesisyon ang misis ng suspek na kunin ang 12 anyos nilang anak na may sakit na hemophilia.

Nang malaman ni Marsula na paparating na ang kanyang anak, tuluyan na itong sumuko. Nakuha sa kanya ang caliber 9mm pistol.