Ni: Light A. Nolasco
STA. ROSA, Nueva Ecija - Malagim na kamatayan ang sinapit ng isang 26-anyos na estudyante habang sugatan naman ang 17-anyos na kaibigan nito makaraan silang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang riding-in-tandem sa gilid ng Sta. Rosa-Dingalan Road sa Sitio Upland, Barangay Soledad sa Sta. Rosa, Nueva Ecija nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ng Sta. Rosa Police ang napatay na si Mark Joseph de Guzman, college student, habang ginagamot pa sa ospital ang 17-anyos na lalaking kasama niya.
Base sa police report, nakikipag-inuman si De Guzman at kasama nitong binatilyo sa dalawa pang kaibigan sa gilid ng highway nang bigla silang lapitan at ratratin ng tandem na kaagad nakatakas sakay sa hindi naplakahang motorsiklo.
Hindi pa matukoy ng pulisya ang motibo sa pamamaril.