Ni Marivic Awitan
HINDI man sa Southeast Asian Games sa Agosto, ipinahayag ni NBA D-League mainstay Bobby Ray Parks, Jr. ang kahandaan na makalaro sa Gilas Pilipinas para sa international campaign ng National basketball team.
Personal na nakipagkita ang 23-anyos na si Park, anak ng namayapang six-time PBA Best Import Bobby Sr., kay Gilas coach Chot Reyes upang ipahayag ang pagnanais na muling makapaglingkod sa Gilas.
“I just got the go signal from coach Chot. It’s more about reaching out and more on communicating,” pahayag ni Parks, Jr.
“But at the end of the day, it’s all about the Philippines as a nation representing the country, especially with what the country’s going through right now,” aniya.
Bahagi si Parks, naglaro sa Dallas Mavericks sa NBA D-League sa nakalipas na season, ng Gilas Pilipinas na sumabak sa FIBA Olympic Qualifying Tournament sa Manila sa nakalipas na Hulyo.
Nagdesisyo si Parks na maglaro sa ASEAN Basketball League (ABL) matapos maunsiyami ang usapan sa ilang PBA teams at nahirang siyang 2016-2017 MVP sa hanay ng mga local players.
Sa kabila nito, wala ang pangalan ng dating two-time UAAP MVP sa line-up ng Gilas na ipinahayag ni Reyes kamakailan.
Ipinagtaka ito ng marami, higit at naging matikas ang performance nito sa Gilas sa nakalipas na kampanya sa FIBA, gayundin ang impresibong numero sa pro league.
Sinabi ng dating National University Bulldog star na lumapit siya at nakipag-usap nang masinsinan kay Reyes.
Kasalukuyang nagsasanay ngayon ang Gilas para sa mga nakahanay na mga torneo ngayong taon na kinabibilangan ng Jones Cup sa Taiwan, FIBA-Asia Cup sa Lebanon, at SEA Games sa Malaysia.
Ayon kay Parks, wala siyang pinipiling torneo at nakahanda siyang maglaro para sa Pilipinas.
“I’d love to represent the country with the best talent and with experienced players. Wherever my country needs me to, I’ll definitely serve,” ayon kay Parks.