Nina BETH CAMIA, JEFFREY DAMICOG at MARIO CASAYURAN

Sinabi kahapon ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na hindi siya ang dapat sisihin sa downgrading sa homicide ng kasong murder laban sa 19 na pulis na akusado sa pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, Sr. at sa kapwa nito bilanggong si Raul Yap. “I did not have any hand in the drafting of the resolution being referred to by some Senators,” saad sa pahayag ni Aguirre.

Tumugon ang kalihim sa mga batikos sa kanya ng ilang senador kaugnay ng desisyon ng Department of Jutice (DoJ) na ibaba sa napipiyansahang homicide ang mga kaso ng murder laban sa mga suspek sa pagpatay sa alkalde, kabilang si Supt. Marvin Marcos. “I was not the one who resolved the matter. I was not the one who wrote it. I was not the one who signed it,” giit ni Aguirre.

Nagpalabas ang DoJ ng resolusyon na pirmado ni Undersecretary Reynante Orceo at pumabor sa petisyon ng mga suspek na pag-aralang muli at amyendahan ang kasong murder at gawing homicide na lamang.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Pinayagan ng Baybay City Regional Trial Court (RTC) Branch 14 ang pag-amyenda kaya naman nagawang magpiyansa ni Marcos at ng ilang kapwa niya akusado sa kaso.

Kahapon, nag-plead ng not guilty sa Baybay City RTC Branch 14 si Marcos at ang 18 iba pang pulis.

Kaugnay nito, pinaboran ni Senate President Aquilino Pimentel III ang pagsasagawa ng Senado ng isa pang public hearing tungkol sa pamamaslang kay Espinosa noong Nobyembre 5, 2016 sa loob ng selda nito sa Leyte sub-provincial jail sa Baybay.

Sa panukalang Senate hearing, sinabi ni Pimentel na uusisain ng mga senador ang DoJ panel na nagsagawa ng reinvestigation “what moved them to change their mind” sa paghahain ng homicide sa halip na murder, na siyang inirekomenda ng Senado.