Nina BELLA GAMOTEA at MARY ANN SANTIAGO

Naging mainit at mausok ang mga pangyayari sa magkakasunod na sunog sa Metro Manila.

Sa Pasay City, aabot sa 50 pamilya ang nawalan ng bahay sa pagsiklab ng apoy dulot ng pagsabog ng kalan de-sabit, kahapon ng umaga.

6176675568_IMG_7234 copy

Human-Interest

'Sailor Moon' ng Lapu-Lapu City natuli na, may ₱10k pa!

Tatlong katao, kabilang ang isang Helen Cahapay, ang naiulat na nagtamo ng 2nd degree burns sa katawan habang bahagyang nasugatan ang isang menor de edad.

Sa inisyal na ulat ni Pasay City Fire Marshal Supt. Carlos Duenas, bandang 8:15 ng umaga nagsimula ang apoy sa nirerentahang bahay ni Christine Cimafranca sa Maytubig Compound, Barangay 1, Zone 1 ng nasabing lungsod.

Nagluluto si Cimafranca nang magliyab ang ginagamit niyang kalan de-sabit.

Mabilis na kumalat ang apoy, umabot sa ikalawang alarma, sa mga katabing bahay na pawang gawa sa light materials.

Bandang 1:15 ng hapon tuluyang naapula ang sunog.

Samantala, apat na sunog ang bumulabog sa Manileño sa magkakaibang lugar; isa sa KTV bar, isa sa bahay-ampunan at dalawang residential area.

Sa ulat ng Manila Fire Department, sumiklab ang apoy sa isang karaoke television (KTV) and resto-bar sa Rizal Avenue sa Sta. Cruz, dakong 12:00 ng hatinggabi.

Walang naiulat na nasugatan o nasawi sa sunog habang aabot sa R100,000 ang halaga ng ari-ariang natupok.

Dakong 1:00 naman ng madaling araw nagliyab ang isa sa mga kuwarto ng Onesimo Bulilit Foundation Inc., sa Arlegui Street sa Quiapo.

Wala ring naiulat na nasaktang sa insidente ngunit kinailangang ilipat ang mga bata sa kabilang sangay nito.

Kaugnay nito, dakong 12:45 ng madaling araw nasunog ang isang bahay sa 2065 Rizal Avenue, kanto ng Yuseco St., sa Sta. Cruz.

Agad rumesponde ang mga bumbero at tuluyang naapula dakong 1:24 ng madaling araw.

Pagsapit ng hapon, bandang 1:00, nilamon ng apoy ang ilang bahay sa kanto ng Osmeña Highway at Quirino Avenue sa Paco.

Habang isinusulat ito ay patuloy pang inaapula ang apoy at walang iniulat na nasaktan.