Ni: Orly L. Barcala
Pinagbabaril hanggang mamatay ang dati umanong adik sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.
Pinagbabaril ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki, na kapwa nakasuot ng bonnet, si Archie Quitco, 38, ng Ilang-Ilang Street, Barangay North Bay Boulevard South (NBBS) ng nasabing lungsod, na nagtamo ng mga tama ng bala ng caliber .45 sa katawan.
Base sa ulat, dakong 3:00 ng madaling araw, pinasok ng mga suspek ang bahay ng biktima at tinutukan ito ng baril.
Nagawang makatakbo ni Quitco sa bahay ng ina, si Erlinda, na ilang hakbang lang ang layo mula sa kanyang tinitirhan.
Nakiusap si Erlinda sa mga suspek na huwag saktan ang kanyang anak at pinagitnaan ang biktima ng kanyang mga kapatid upang masigurong hindi ito masasaktan.
Pinasama umano ng mga suspek ang biktima at pagsapit sa labas ng bahay ay tuluyang pinagbabaril bago umalis sakay sa isang motorsiklo.
Ayon kay Erlinda, minsan nang sumuko sa “Oplan Tokhang” ang kanyang anak at tumigil na sa paggamit ng shabu.
“Kamatayan ba ang parusa sa dating adik? Wala na silang puwang sa mundo kahit nagbabago na?” sambit ni Erlinda.