Ni: Manny Villar
MALIBAN sa alyansang militar, paano ba makikinabang ang Pilipinas sa pakikipagkaibigan sa Russia?
Hindi naman bagong bagay ang pagkiling ng Pilipinas sa Russia, ayon kay Samuel Ramani, isang dalubhasang Ruso. Sinabi niya na noong 1976, itinatag ni Pangulong Ferdinand Marcos ang relasyong diplomatiko ng Pilipinas sa Soviet Union batay sa nakikita niyang pulitika sa Timog Silangang Asya pagkatapos ng pag-iisa ng Vietnam sa ilalim ng pamahalaang komunista.
Mahalaga ang bahaging militar ng bagong relasyon dahil sa kasalukuyang modernisasyon ng hukbong sandatahan ng Pilipinas sa harap ng mga banta ng terorismo at iba pang hamon sa soberanya ng bansa.
Ngunit gaya ng tinutukoy ni Ramani, batid ng Russia ang bagong posisyon ng Pilipinas bilang pinakamabilis na lumagong ekonomiya sa Asya. Sa nakalipas na limang taon, naging malakas ang pagsulong ng ating ekonomiya.
Dahil dito, nakikita ng mga mamumuhunang Ruso ang sektor ng agrikultura sa Pilipinas na magandang magkaroon ng kooperasyon, at nagtulak sa Russia na itaas ang pag-angkat ng produktong agrikultura sa Pilipinas mula sa $46 milyon hanggang sa $2.5 bilyon bawat taon.
Magandang balita ito lalo na para sa mga nagtatanim ng saging at mangga. Maaasahan din natin ang pagdating ng maraming turistang Ruso sa mga pangunahing destinasyon sa ating bansa.
Ayon sa datos ng Department of Trade and Industry (DTI), ang Russia ang ika-31 trading partner ng Pilipinas (mula sa 223 bansa), ika-44 na export market at ika-27 import supplier. Pangunahing iniluluwas ng Pilipinas sa Russia ang carrageenan seaweed at iba pang algae, samantalang petroleum oil at mga langis mula sa bituminous mineral ang pangunahing inaangkat natin mula sa Russia.
Kung paniniwalaan ang mga survey na isinagawa ng Pulse Asia, maraming Pilipino ang hindi nagtitiwala sa Tsina at Russia: 63 porsiyento ang walang tiwala sa Tsina at 56% ang walang tiwala sa Russia.
Inilalarawan ng mga numerong ito ang mga maling paniniwala na humubog sa pananaw ng mga Pilipino sa maraming taon.
Ang mga maling paniniwala naman ay dahil na rin sa pagiging masyadong malapit natin sa Estados Unidos, kabilang na ang panonood ng mga pelikula na karaniwang masama ang ipinakikitang imahe ng Russia.
Gusto natin ng pagbabago ngunit kung minsan ay aligaga tayo kapag dumating ang pagbabago. Sa mahabang panahon ay naririnig ko ang mga reklamo tungkol sa hindi pantay na alyansa sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas at kung paanong lagi na lang nasa tagiliran ang Pilipinas sa mga usaping pandaigdig.
Ngayon ay may Pangulo tayo na binago ang direksiyon ng polisiyang panlabas upang ituwid ang labis na pagsandal natin sa mga tradisyonal na kapareha, nagbigay-diin sa kalayaan ng polisiyang panlabas at nagpalawak ng pakikipag-kaibigan at kooperasyon sa ibang bansa.
Sa pagtungo ko sa Russia bilang bahagi ng delegasyon ng Pilipinas, nakaramdam ako ng pagmamalaki sa ipinakitang paggalaw ng mga Ruso sa ating bansa. Malinaw na pantay ang pagtingin nila sa atin. Ipinahayag din nila na nais nilang maging kaibigan ang ating bansa at wala silang intensiyon na makialam sa mga usapin ng ibang bansa.
Ang pagbabago sa polisiyang panlabas na ginagawa ni Pangulong Duterte ay nag-aangat sa Pilipinas bilang malayang manlalaro sa larangang pandaigdig.
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)