NAIC, Cavite — Isang remate na lang sa kasaysayan ang Sepfourteen.

Nakalapit sa minimithing marka ang tambalan nina star jockey John Alvin Guce at Sepfourteen nang angkinin ang ikalawang leg ng pamosong ‘Triple Crown’ ng Philippine Racing Commission (Philracom) nitong Linggo sa San Lazaro Park.

Matikas na nakihamok ang Sepfourteen mula simula hanggang sa huling metro ng karera laban sa stablemate Brilliance at ongshot Hiway One.

Matapos ang dominasyon sa unang leg sa nakalipas na buwan, nakaamba ang Sepfourteen, nasa pangangasiwa ni SC Stockfarm’s Oliver Velasquez, sa kasaysayan bilang ika-11 na nakasungkit ng ‘Triple Crown’.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

Sakaling mapagwagihan ng Sepfourteen ang third leg ng serye sa distansiyang 2,000 metro, makakalinya siya sa listahan ng mga tinaguriang ‘greatest’ tulad ng Fair and Square noong 1981, Skywalker (1983), Time Master (1987), Magic Showtime (1988), Sun Dancer (1989), Strong Material (1996), Real Top (1998), Silver Story (2001), Hagdang Bato (2012), at Kid Molave (2014).

Sa matikas na renda ni Guce, nakasabay ang three-year-old colt na anak ng Consolidator at Regal Boom, sa ratsada ng umabanteng Brilliance hanggang sa ikatlong bahagi ng 1,800 meter course, bago tuluyang rumemate sa dulo.

Mula sa kanang bahagi ng Brilliance, umibis ang Sepfourteen sa huling 760 metro tungo sa panalo sa tyempong isang minuto at 54.6 segundo. Pangalawa ang Brilliance at pangatlo ang Hiway One.

“Sumunod lang po kami kay Brilliance. Kasi de-bandera ito. Iyung akin, de remate lang. Kaya sunod lang,” sambit ni Guce.

Naiuwi ng Sepfourteen, nagwagi sa first leg sa dominanteng paraan sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite, ang premyong P1.8 milyon, habang nakuha ng Brilliance ang P675,000.

Nauna rito, wianlis ni jockey Jonathan Hernandez ang unang dalawang karera na inilatag ng Philracom.

Nakuha ni Hernandez at ng Cerveza Rosas ang 3YO Locally Bred Stakes Race na may premyong P300,000 kontra sa Batang Poblacion at Alfie. Nasundan niya ito gabay ang kabayong Smokin Saturday sa Hopeful Stakes Race na may premyong P600,000. Ginapi nila ang Great Wall (Apoy Asuncion, P225,000) at Mount Pulag (Raquel, P125,000).