Ni REGGEE BONOAN
SA sobrang suspense ng pelikulang Ang Pagsanib ni Leah dela Cruz (Kamikaze Pictures, Viva Films at Reality Entertainment) na idinirek ni Katsky Flores ay hindi namin natutukang panoorin ang buong pelikula dahil halos wala kaming ginawa kundi magtakip ng mukha o kaya pumikit kapag may nararamdaman na ang bidang si Sarah Lahbati.
Ginampanan ni Sarah ang karakter ni Ruth, babaeng pulis na bagong salta sa lugar nina Leah (Shy Carlos) at Garbiel (Julian Trono).
Samantalang nakabakasyon si Ruth (Sarah) na nagluluksa sa pagkamatay ng kapatid na si Erik na sa bandang huli ay malalaman kung bakit namatay.
Hindi mapakali at hindi makatulog si Ruth sa bahay na tinutuluyan dahil kung anu-ano ang kanyang mga nararamdaman at napapanaginipan.
Kinaumagahan, dumaan siya ng simbahan na pinangangasiwaan ng parish priest na si Father Lucas (Jim Paredes) at dito niya nakilala ang makulit na si Gabriel na childhood friend at may gusto kay Leah.
Sa pangungulit at pagkukuwento ni Gabriel kay Ruth ay napadpad sila sa bahay ng pamilya ni Leah na inabutan nilang nasa balkonahe at may hawak na basag na salamin, biglang tumalon, kaya agaw-buhay na itinakbo sa hospital.
Nagulat sina Ruth at Gabriel sa ginawa ng dalaga at may nakitang anino ang una sa likod ni Leah na kumawala sa katawan bago ito tumalon at dito nagsimula ang imbestigasyon.
Iba’t ibang mga kuwento ang kumalat kung bakit nagawang magpakamatay ni Leah at dalawang tao ang pinagbuntunan ng sisi, si Yaya Rosario ang nagtulak at si Sister Eloiza na guidance counselor sa simbahan na dating miyembro ng kulto na malapit sa dalaga.
Kasama sa pelikula si Michael Rivera (gumaganap bilang Oscar, tatay ni Leah) na marami ang ginulat dahil napakataba na ng dating boy next door, at asawa ni Marite (character actress na ‘di namin nakuha ang name).
May dark side ang ina ni Leah dahil may kalaguyo ito, ang security guard sa lugar nila na bandang huli ay natipuhan din ang dalaga.
Makakatulong sana sa imbestigasyon ang parish priest na si Fr. Lucas dahil sa lihim na hawak nito, ngunit mas pinipili nitong manahimik. Nang matiyak na ang pagsanib ng masamang espiritu kay Leah, lalong naging mapanganib ang imbestigasyon, at lumalawak na rin ang sakop ng kadiliman.
Kung type ninyo ang suspense/thriller/horror movies na nagpapaisip ng audience, para sa inyo ang pelikulang ito. Effective ang acting nina Sarah at Shy para takutin at gulatin ang mga manonood at mahusay ang pagkakadirek ni Direk Katsky.
Bagamat ngayon lang nagkasama sa pelikuka sina Sarah Lahbati at Shy Carlos, hindi naman sila baguhan sa horror movie.
Nagbida na si Shy sa Chain Mail noong 2015, at si Sarah ay lumabas naman sa isang supernatural film noong 2010.
Malalaman sa ending ng pelikula kung sino ang pumapatay na ikagugulat ng lahat.
Ang Pagsanib Kay Leah dela Cruz ay mapapanood na sa mga sinehan sa June 28, 2017 handog ng Kamikaze Pictures, Viva Films at Reality Entertainment.
Samantala, nagulat si Sarah nang biglang dumating sa advance screening sa Robinson’s Galleria Cinema 1 ang live-in partner niyang si Richard Gutierrez at binigyan siya ng bulaklak at binati dahil ang buong akala niya ay nasa bahay lang ito kasama ang buong pamilya Gutierrez na nagplanong panoorin ang pilot episode ng La Luna Sangre.
Umugong tuloy ang tsika sa loob ng sinehan na mas inuna pang suportahan ni Richard ang pelikula ni Sarah kaysa sa pilot ng La Luna Sangre, pero nagkakamali ang lahat dahil kaagad ding umalis ang aktor at para maabutan ang serye.